TALAMAK ang smuggling sa bansa at natatalo ang gobyerno dahil walang kinikita sa mga produktong ipinapasok. Patuloy ang smuggling ng mga mamahaling sasakyan, bigas, asukal, agricultural products at pati basura ay gusto na ring i-smuggle. Nakakalusot ang mga ito sa Bureau of Customs (BOC) kaya naman hindi maabot ang target na kita. Dahil na rin sa mga tiwaling opisyal at empleyado sa Customs kaya nangyayari ang ganitong katiwalian.
Pero hindi kayang harapin ni Customs Commissioner Bert Lina ang mga mga tauhang kumakalong sa smugglers kaya ang pinagdiskitahan ay ang balikbayan boxes. Habang patuloy ang pagsasamantala ng mga “buwaya” sa Customs, ang mga gamit na matagal na inipon ng overseas Pinoy workers ang gustong halungkatin para buwisan. Sa direktiba ni Lina, bubuksan ang mga kahon na pinadala ng OFWs para inspeksiyunin. Sabi ni Lina, nasa batas naman ang gagawin nilang pag-iinspeksiyon. Sabi pa ni Lina, isang dahilan din kung bakit ipatutupad ang pag-inspeksiyon sa balikbayan boxes ay upang masiguro na wala itong kasamang droga.
Umani ng batikos ang direktiba ni Lina. Halos umusok sa galit ang mga OFW. Bakit ang kanilang padala ang hahalungkatin? Paano kung may mawala sa kanilang mga padala? Paano makasisiguro na honest ang mga taga-Customs na mag-iinspeksiyon sa mga kahon? Kung ngayon na sarado ang mga kahon ay may nananakaw, paano pa kung bubuksan ang mga ito?
Kamakalawa, inatasan ni President Noynoy Aquino ang Customs na huwag nang magkaroon ng inspeksiyon sa balikbayan boxes. Ayon sa direktiba, bubuksan lang daw ang kahon kapag may nakitang kahina-hinalang bagay matapos ma-x-ray.
Maraming magagawang kapaki-pakinabang si Lina at una na rito ay ang paghabol sa smugglers na dahilan nang mababang kita. Hindi maabot ang target na kita dahil maraming nakakalusot.
Maraming problema sa Customs at tila hindi ito nakikita ni Lina. Mas nakita ang mga kahon ng kawawang OFWs. Mabuti nga at agad na pinatigil ni P-Noy ang “masamang” balak ni Lina.