DAPAT paigtingin ng pamahalaan ang information drive hinggil sa Batas Kasambahay (Republic Act 10361) na nagtatakda ng mga karapatan, benepisyo at responsibi-lidad ng mga kasambahay (general househelp, yaya, cook, hardinero, at laundry person) gayundin ng kanilang mga employer.
Ang hakbangin, na pangunahing iniakda at isinulong ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada, ay naisabatas noong Enero, 2013. Isa sa mga itinatakda nito ay ang pagtulong ng mga employer sa mga kasambahay na maging miyembro ng Social Security System (SSS), Pag-IBIG at PhilHealth upang mapakinabangan nila ang mga benepisyo nito.
Pinansin ni Jinggoy ang 2014 data na inilabas ng Department of Labor and Employment (DoLE) kung saan ay nakasaad na 120,000 kasambahay ang nakapagparehistro sa SSS; 26,671 naman sa Pag-IBIG; at 59,734 sa PhilHealth. Aniya, maliit pa ang bilang na ito kumpara sa mahigit dalawang milyong mga kasambahay sa bansa. “The figures tell us that still very few domestic workers are covered with these social security benefits. Ako ay nanga-ngamba na ang mga datos na ito ay pahiwatig na marami pa rin ang hindi nakaaalam at nakauunawa sa mga probisyong itinatakda ng Batas Kasambahay, at maaaring marami pa rin ang lumalabag dito at hindi nakasusunod.”
Dagdag niya, “Nakasaad sa Batas Kasambahay na ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, partikular ang DoLE, Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), SSS, PhilHealth, Pag-IBIG, at Employees’ Compensation Commission ay dapat magsagawa ng ma-lawakan at tuloy-tuloy na information drive hinggil dito sa national at local level, katuwang ang mga kasambahay associations, labor organizations, civil society groups at mismong mga employer.
Kailangang paigtingin pa ang information drive na ito upang ganap na maunawaan ng publiko ang naturang batas. Iminumungkahi ko na mag-develop pa ng iba’t ibang malikhaing paraan ng information drive, tulad halimbawa ng pag-operationalize ng mobile information and registration offices sa iba’t ibang lokalidad at mga barangay upang maabot ang pinakamalaking bilang ng mga kasambahay at employer sa lahat ng panig ng bansa.”