Heto, at election na naman kaya di na nakapagtataka at binibida na naman ng mga pulitiko ang sinasabing Mindanao railway system na nais nilang ipatayo rito sa katimugan.
Ang walang kamatayang Mindanao tren ay nabubuhay lamang tuwing halalan. Naging kaugalian na ng mga pulitiko ang sinasabi nilang nais nilang magkaroon nga ng Mindanao railway system tuwing sila ay nangangampanya dito sa katimugan.
Kaya gasgas na ang Mindanao tren bago man lang ito magkatotoo. Gasgas na sa walang sawang pambobola ng mga pulitiko bago man lang ito umandar.
Kaya nang iprenisenta ni Senator Allan Peter Cayetano ang ukol sa Mindanao railway noong siya ay pumunta rito sa Davao City noong nakaraang Lunes, tumaas na naman kilay ko at heto na naman ang isa pang manggagamit sa isyu ng Mindanao railway.
Huwag nyo namang masyadong bilugin ang ulo ng mga Mindanaoan sa pamamagitan ng tren na ‘yan.
Kasi kung totoo talaga kayong mga pulitiko sa mga pinangako ninyo eh di dapat ay matagal nang nagawa ang sinasabi ninyong Mindanao tren. Kaso ilang dekada na ang dumaan at hindi pa rin nasimulan kahit man lang sa drawing board ang minimithing Mindanao railway.
Kung nasa puwesto na ang mga pulitikong eto nakakalimutan agad ang kanilang mga pangako kaya heto na naman ang Mindanao tren na gasgas na bago man lang napapaandar.