WOW naman! Nakalululang halaga pala ang magagastos ng isang nag-aambisyong maging Presidente ng Pilipinas sa 2016. Dumadagundong na P2 bilyon.
Sinabi ito ng pinagpipitaganang dating Supreme Court Chief Justice na si Reynato Puno. Dahil dito aniya, dapat isulong ang pagbabago ng sistema ng gobyerno sa pamamagitan ng charter change na idaraos sa pamamagitan ng Constitutional Convention.
Nagsalita kamakailan si Puno sa forum on Constitutional reform sa University of the East kahapon. Aniya, sa ilalim ng batas, maari lamang gumastos ang kandidato sa pagka-pangulo ng P15 kada botante. Pero sa katotohanan, higit dito ang ginagastos nila.
Kung pagbabasehan aniya tinatayang 55 milyong rehistradong botante para sa 2016, ang isang kandidato sa pagka-pangulo ay maaaring gumastos sa kampanya ng P825 milyon, na isa nang napakalaking halaga. Pero dahil kailangan pang bumayad sa mga komersyal sa radio at telebisyon ang P825 million ay kulang pa. Ang isang 30 segundong patalastas sa nangungunang istasyon ng TV ay nagkakahalaga na ng mahigit P700,000 hanggang P800,000. Suma total, sa 10 patalastas pa lamang kada araw, gagastos na ang isang kandidato ng walong milyong piso. Ani Puno, mabuti pang baguhin ang Article VII, Section 2 ng 1987 Constitution na nagsasabing ang kuwalipikasyon sa pagkandidato sa pagka-pangulo ay pagiging natural-born citizen, rehistradong botante, marunong mag-basa at magsulat, at naninirahan sa Pilipinas sa nakaraang 10 taon.”
Dagdag ng dating Chief Justice, dapat na ring gawing kuwalipikasyon ang pagkakaroon ng depositong hindi kukulanging sa isang bilyong piso o may kakayahang mangilak ng kontribusyong ganito kalaki, dahil ginagawa lamang nating katawa-tawa ang ating Saligang Batas. Si Puno ang nagunguna sa kilusang Bagong Sistema, Bagong Pag-asa.
Isunusulong ng kilusang ito ang pagpapatawag ng isang Referendum kasabay ng halalan sa Mayo upang tanungin ang mga mamamayan kung nais nilang baguhin ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng isang Constitutional Convention.
Ayon kay Puno, kritical ang darating na halalan dahil kung sino man ang mahalal ay kailangang “paghilumin ang malalalim na sugat ng lipunan at siguruhing hindi mababawasan ang teritoryo ng Pilipinas sa mga pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea.