SI Senate President Juan Ponce Enrile ay pinayagan ng Supreme Court na makapagpiyansa sa kanyang inakalang unbailable case ng plunder; si Senator Grace Poe ay naghahanap ng paliwanag ng kung bakit sinisiraan siya ng mga kampon ni Secretary Mar Roxas na sinsero, kuno, ang intensiyong makipagtambalan; si Jose Rizal ay patuloy na napapag-usapan sa muling pandinig ng kaso ng Torre de Manila sa Supreme Court. Lahat ng mga ito’y sikat na Pinoy at laman ng balita sa Pilipinas.
Subalit may isang Pinoy na kahapo’y laman ng media sa buong mundo. Isang napakagandang balita, bagay na ipagmamalaki ng lahat ng kapwa Pilipino sa bawat sulok ng daigdig. Kahapon, sa Wisconsin, USA ay nasungkit ng isang nagngangalang Jason Day ang PGA Golf Championship at ang premyo nitong $1.8 Million (halos P80 million), ang isa sa apat na Major golf Championships, ang pinakamalaki at pinakasikat na international golf tournaments sa buong mundo. Si Jason Day ay anak ni Dening Grapilon na tubong Carigara, Leyte at ni Alvin Day, isang Irishman na kapwa nakipagsapalaran sa Australia.
Ang tagumpay ni Jason Day ay nakatutuwa hindi lamang dahil naiangat niyang muli ang imahe ng Pilipino sa mundo, kung hindi rin dahil sa kanyang mala-telenobelang talambuhay. Nawalan ng ama sa murang edad na 12 anyos na nagresulta sa kanyang pagkalulong sa alak. Dahil sa kahirapan, napilitang ipagbili ng kanyang ina ang kanilang pamamahay para ito’y mapag-aral. Noong 2013, namatay ang kanyang lola, dalawang tiyahin at mga pinsang buo sa bagyong Yolanda sa Tacloban. At sa tatlong naunang Major Golf Championship, nanguna si Jason sa leaderboard sa huling araw ng 4 day tournaments. Sa lahat din ay hindi siya pagpalaing manalo. Doon nga sa isa, sa US Open, kumulapso pa siya sa golf course dahil sa pagkakasakit.
Sa kabila nang lahat ng kinaharap niyang mga hamon at pagsubok, sa huli ay nakuha pa rin niya ang pagkapanalo. Bravo Jason! Ang iyong ginawang pag-ahon sa sadlak at pagpursigi hanggang magtagumpay ay halimbawang dapat tularan nang lahat ng Pilipino at lahat ng kabataan sa buong mundo.