MARAMI ang nakilahok sa ginanap na earthquake drill noong Huwebes. Hindi lamang sa Metro Manila nagsagawa ng “shake drill” kundi sa marami pang probinsiya. Kahit sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang grabeng tatamaan ng lindol ay ang mga nasa ibabaw ng West at East Valley fault sa Metro Manila, nagsagawa rin ng sariling drill ang mga nasa Mindanao at iba pang lugar sa Visayas. Para sa mga organizers, mas mabuti na ang handa sa pagtama ng lindol. Kung handa, hindi na magpapanik ang mga tao at maaaring kaunti lamang ang madidisgrasya. Kung nalalaman ng mga tao ang gagawin sa pagtama ng lindol, walang pagkakagulo at makakapagdesisyon nang maayos para mailigtas ang sarili.
Tagumpay ang drill noong Huwebes. Ipinakita ng mga umaktong rescuers ang kanilang gagawin sakali’t tumama ang lindol. Nagpakitang gilas sa pagliligtas sa mga naipit sa guho at sa mga nasusunog na gusali. Mayroon pang kunwaring naipit sa nagliliyab na sasakyan at sa loob ng isang nawasak na building. Mabilis at nasa tamang hakbang ang pagliligtas sa mga na-trap sa naguho. Pati ang mga medics at Red Cross personnel ay nagpakita ng kasanayan sa pagliligtas ng mga nabagsakan, nasugatan at nasunog. Pati ang mga piloto ng helicopter ay nagpakita ng kasanayan kung paano ire-rescue ang mga biktima. Lahat ay nagpakita nang kahandaan.
Noong Hunyo, sinabi ng Phivolcs na ang faultline ay nagsisimula sa Montalban, Rizal at nagtatapos sa Carmona, Cavite. Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, kung tatama ang 7.2 na lindol sa nasasakop ng faultline, 37,000 katao ang mamamatay at ang pinsala ay aabot sa P2.4 trillion. Natukoy ang West at East Valley Fault nang magsagawa ng pag-aaral ang Phivolcs katulong ang PAGASA, Mines and Geosciences Bureau sa tulong ng Australian government. Ayon sa mga eksperto, hinog na ang faultline at anumang oras ay maaaring gumalaw.
Nasimulan na ang shake drill at naging matagumpay. Dapat magkaroon pa ng mga kasunod na drill para lalong maging handa ang mamamayan sa pagsapit ng lindol. Sa paghahanda, marami ang makakaligtas. Kailangang maging alerto sa lahat nang oras.