ANG isa sa mga pagsubok ng pagiging lider ay kung kaya mong pangatawanan ang mga pangako at programang pinapanukala mo sa bayan. Ang maging mabuting halimbawa upang ang iyong kinasasakupan ay hindi mag-alinlangang sumunod at ika’y sundan. Tanda rin ito ng pagkasinsero ng isang lingkod bayan. Kailangan niyang patunayan na sa sarili niyang karanasan at realidad ay natutugunan niya ang hamon ng serbisyo.
Ang tawag dito ay leadership by example. Isa ito sa pinaka-epektibong paraan upang masuri kung ang isang publikong tao ay totoong tao. Ni hindi kailangang itesting kung ang ipinakikitang halimbawa ay halimbawa ng leadership. Basta ang halimbawang pinapamalas ay magandang halimbawa, kesyo konektado ito sa kanyang katungkulan o hindi, sapat na ito upang ituring na halimbawa ito ng kanyang pagiging tunay na tao at tunay na lider.
Itong mga nakaraang araw, ang isa sa pinakamatinding kaso ng leadership by example ay pinamalas ni Senator Chiz Escudero. Si Sen. Chiz ang Chairman ng pinakamakapangyarihang Lupon sa Senado, ang Senate Finance Committee, ang committee na sumusuri sa budget o ginagastos ng buong pamahalaan. Dahil siya’y napapag-usapan nang potensyal na hahabol sa higit pang mataas na panunungkulan at para hindi paghinalaang nananamantala ng posisyon lalo na’t malapit nang talakayin ang Budget ng gobyerno, kusang nagbitiw si Sen. Chiz sa kanyang Chairmanship.
Isa na ito sa pinakamagandang indikasyon ng leadership by example. Sa ipinakita ng Senador na halimbawa, ang bansa ay bumilib sa kanyang sinseridad at humanga sa kanyang delikadeza. Sa pag-surrender niya ng kapang- yarihan, pinatunayan lang niya na higit siyang karapat-dapat na bigyan ng kapangyarihan.
Lalong lumulutang ang kanyang halimbawa kung tingnan ang garapal na pagsamantala sa posisyon ng iba pang mga nagpiprisinta sa bansa. Una na rito ang mga nasa Executive branch na walang pakundangang ginagamit ang mga resources ng kanilang opisina upang mamahagi ng benepisyo sa pinapaborang mga bayan at sektor ng lipunan.
Hindi ko alam kung kalkulado ang hakbang na ito ni Senador Chiz upang siya’y hangaan. Basta, ang alam ko ay kung ganoon man ang kanyang intensyon, siya’y nagtagumpay dahil panalo sa tao ang kanyang ginawa.