MISTULANG namaalam na si President Noynoy Aquino sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) noong Lunes. Lahat nang mga nagawa sa ilalim ng kanyang pamumuno ay inisa-isa niya at pinasalamatan na rin ang mga taong nakatulong sa loob ng limang taon. Inabot ng dalawang oras at 10 minuto ang kanyang talumpati.
Subalit walang binanggit si P-Noy sa tunay na kalagayan ng agriculture sector. Tanging ang nabanggit niya ay ang tungkol sa pangingisda at sinabi ang pangalan ni Agriculture Secretary Proceso Alcala at Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization Francis Pangilinan. Maliban dun wala nang narinig sa sector ng agrikultura na pinakamahalaga sapagkat dito umaasa ng pagkain ang mamamayan.
Sa mga nakaraan niyang SONA, pinagmamalaki niya ang sobra-sobrang ani at hindi na raw aangkat ng bigas ang bansa at mag-eeksport pa. Pinupuri niya si Alcala. Pero sa kabila niyon, taun-taon ay umaangkat ng bigas ang bansa. Ngayong taon, inaprubahan ng National Food Authority (NFA) ang $1-milyon rice importation sa Vietnam na umaabot sa 100,000 metric tonelada.
Ang ganitong senaryo ay taliwas sa sinasabing maganda ang ani ng bansa at mag-eeksport pa ng bigas. Napag-alaman naman na ang iluluwas palang bigas ay malagkit at hindi ang bigas na pagkain pang-araw-araw. Maaaring mali ang nai-feed na report sa Presidente.
Nakapagtataka kung bakit walang nabanggit sa kasalukuyang kalagayan ng agriculture sector sa bansa. Naisaayos ba ang kalagayan ng mga magsasaka? Natulungan ba sila sa pagpuksa sa mga peste gaya ng cocolisap? Nagkaroon ba ng mga irigasyon? May mga binhi ba ng palay na naipamahagi sa mga magsasaka sa buong bansa at nakagawa ba ng mga kalsada patungo sa kabukiran para mailuwas ang mga ani?
Inamin ni P-Noy na hindi siya perpekto. Mayroon siyang pagkukulang. Meron daw kasi siyang mga tauhan na inasahan niya pero hindi nagawa ang tungkulin. Ang kalihim kaya ng Agriculture ang tinutukoy niya?
May 11 buwan pa si P-Noy para “maituwid ang landas” patungo sa mga sakahan na magbibigay ng trabaho at pagkain sa mamamayan.