DALAWANG oras at 10 minutong nagsalita si President Noynoy Aquino sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) kahapon. Ito ang pinakamahabang SONA sa kasaysayan. Itinodo na lahat ni P-Noy ang mga nagawa niya sa panahon ng pamumuno, pagpuri sa halos lahat nang kanyang Gabinete at pati na rin ang kanyang mayordoma ay pinuri, at higit sa lahat muli niyang itinodo ang paninisi sa nakaraang administrasyon. Umpisa pa lamang, nagpasaring na agad siya sa may kasalanan nang lahat mula nang maupo siya noong 2010. Marami siyang minana mula sa nakaraang administrasyon. Hindi pa rin siya naka-move on kahit matatapos na ang termino.
Ang nakaraang administrasyon pa rin ang kanyang sinisi sa nangyayari ngayong kalbaryo ng mga pasahero sa Metro Rail Transit (MRT). Sa halip na mag-sorry siya sa dinadanas na hirap at pagtitiis ng mga pasahero sa araw-araw na pagkasira ng mga bagon ng MRT, sinisi niya ang Metro Rail Transit Corp. (MRTC). Dapat daw ay na-overhaul na ang MRT noon pang 2008 pero pawang cosmetic change lang ang ginawa ng administrasyon noon. Nagwalambahala umano ang mga namumuno noon. “Sa pagwalang bahalang ito, parang ginarantiyahang masisira ang train. Hindi po ba maski sinong kumpanya dapat sinisigurong masusulit ang kanilang investment pero hinayaan lang nilang lumala nang lumala ang sitwasyon hanggang umabot sa puntong ipinasa na sa atin ng ura-urada ang pagsasaayos ng MRT,” sabi ni P-Noy.
Idinagdag pa niya na nang aayusin na nila ang MRT, bigla raw humirit ang mga dati nang nag-aayos pero mas mahal na ang presyo kaysa dating plano. At siyempre raw, katumbas nito ang dagdag na gastos at perwisyo sa taumbayan. At nang bibili na raw ang gobyerno ng mga bagong MRT coaches, nag-isyu ng TRO ang korte para itigil ang pagbili. Ganunpaman, nasa proseso na raw ang pagbili nila ng bagong MRT rails at nag-a-upgrade na ng signaling at automatic fare collecting system.
Nagdudusa ang mga pasahero sa siraing MRT at ganundin ang LRT pero naging mabagal ang pamahalaan sa pagsasaayos. Lumipas ang limang taon na walang nagawa para maisaayos ang MRT. Hindi niya kayang manduhan ang DOTC secretary na may sakop sa aberya ng MRT. Hindi nakita sa MRT ang tuwid na daan para sa ikabubuti ng libong commuters. Bigo ang kanyang pamahalaan sa public transport system.