Ano ang leptospirosis?

KAHIT walang ulan o baha ay puwede pa rin magka-leptospirosis. Ito ay dahil ang leptospirosis ay isang sakit na galing sa ihi ng daga.

Ang leptospirosis bacteria ay posibleng mamuhay sa mga hayop tulad ng daga, aso, baboy at baka. Kahit ang tao na may leptospirosis ay puwedeng makahawa ng iba sa pamamagitan ng kanyang dugo at ihi sa loob ng isang buwan.

Saan nakukuha ang leptospirosis? Kapag may sugat ang iyong paa at lumusong ka sa baha, posibleng pumasok ang leptospirosis bacteria sa iyong katawan. Makukuha rin ito sa maruming putik, sa taniman at sa kontaminadong swimming pool.

Ang sintomas nito ay ang matinding sakit ng ulo at katawan.  Nakararanas din ng lagnat at paninilaw ng mata. Lumalabas ang sintomas ng leptospirosis pagkaraan ng 5 hanggang 14 araw pagkalusong sa baha.

Matindi ang komplikasyon nito. Puwedeng masira ang bato, atay, puso, baga at utak. Kadalasan ay ang bato ang tinatamaan at umaabot sa kidney failure at dialysis. May 20% ang namamatay kapag tinamaan na ng kidney failure.

Paano iiwas sa leptospirosis:

1. Huwag lumusong o maligo sa baha. Umiwas sa maruruming putikan at swimming pool.

2. Magsuot ng bota at gloves bago lumusong sa baha.

3. Kung hindi makaiwas sa baha, maglinis agad ng paa at katawan. Maglagay ng alcohol sa lahat ng nabasang parte ng katawan.

4. I-kontrol ang daga sa bahay at kapaligiran. Gumamit ng mousetrap.

5. Linisin ang bahay maigi para hindi bahayan ng daga at insekto.

6. Gamutin ang sugat sa paa at kamay. Marami ang nagkakaroon ng alipunga sa paa dahil sa baha. Lagyan ito ng alcohol at pahiran ng anti-fungal cream tulad ng Ketoconazole cream na mabibili sa mga botika.

7. Ingatan ang mga alagang hayop. Puwede rin maging carrier ng leptos­pirosis ang alagang baboy, baka at aso.

Gamot sa leptospirosis:

1. Para sa hindi makaiwas na lumusong sa baha, uminom ng doxycycline 100 mg capsule, 2 capsule isang beses lamang bawat linggo. Ito’y binibigay bilang proteksyon laban sa lep­tospirosis.

2. Kung ika’y nagkaroon na ng sintomas ng leptos­pirosis, pumunta agad sa ospital. Kailangan kang ma-iniksyonan ng antibiotic sa loob ng 4 na araw ng pagkakasakit. Kapag hindi naman malala ang sakit, binibigyan ng doktor ng doxycycline 100 mg capsule, 2 beses sa maghapon sa loob ng 7 araw.

3. Mahalagang paalala: Huwag painumin ng doxycyline ang mga batang edad 8 pababa, mga buntis at mga nanay na nagpapasuso. Tandaan din na kailangan ninyong kumunsulta sa doktor bago uminom nitong gamot. Kapag mayroong kaso ng leptos­pirosis, ipaalam agad ito sa ospital ng gobyerno. Hahanapin ng DOH ang source ng leptospirosis para hindi na makahawa sa iba. Magtulung-tulong tayo sa pagsugpo ng leptospirosis.

Show comments