ALAM n’yo bang may pagka-pusong bato si Pres. Noynoy Aquino sa mga pulubi?
Ayon sa aking bubwit, happy birthday muna kay Communications Sec. Sonny Coloma, Raymund Dadpaas ng DZRH, Atty. Rolleto Arce, Gen. Ariel Barayuga ng BFP, Adm. Mat Mayuga at DPWH Usec. Romeo Momo.
Alam n’yo bang hindi nagbibigay ng limos sa mga pulubi kahit isang kusing si President Aquino?
Ayon sa aking bubwit na dating nagmaneho nang matagal kay P-Noy, ayaw ng Presidente na nagbibigay ng limos sa mga pulubi. Pati ang kanyang mga driver at security ay pinagbabawalan niya ring mag-abot man lang barya sa mga pulubi.
Ang katwiran ni P-Noy, kapag nagbigay daw ng limos sa mga pulubi ay parang tinuturuan natin silang maging tamad. Bukod pa rito ang pagbabawal ng batas sa ilalim ng Anti-Mendicancy Law.
Ayon pa sa aking bubwit, kung pusong bato ang presidente sa mga pulubi, siya naman pala ay may pagka-pusong mamon sa kanyang mga driver at security personnel.
Si President Aquino ay hindi naman pala makatanggi kapag siya ay inuutangan ng kanyang mga tauhan lalo na kung ito ay pangmatrikula ng kanilang mga anak.
Ang tanong lamang ni P-Noy sa kanyang mga tauhan kung umuutang ay “Ano ba ito? Utang, hiram o hingi?”
Pero kahit sabihin nilang utang, sila naman ay hindi sinisingil ng Presidente pagdating ng kanilang suweldo. Lumalabas tuloy na ang mga anak ng kanyang malalapit na security at drivers ay mga scholars ni P-Noy.