UMPISA bukas, Huwebes Santo, may holiday pay ang magtatrabaho hanggang Biyernes Santo. Ayon sa Department of Labor (DOLE) sa Labor Advisory No. 18, bayad ang bakasyon natin bukas at Biyernes – buong-buo na 100%. At kung sakaling mapilitang magtrabaho, magiging 200% ng regular salary ang matatanggap. Kapag may overtime, additional 30% per ora batay sa 200% rate.
Iba ang patakaran kapag Sabado de Gloria dahil ito’y hindi regular holiday kung hindi isang special non-working holiday. Kapag hindi ka magtrabaho, hindi ka mababayaran sa ilalim ng no work, no pay policy. Kapag pumasok ka naman ay regular rate lang ang maasahang tanggapin.
Ang holiday pay sa ilalim ng batas ay hindi para sa lahat. Ang benepisyo ay hindi ipinamamahagi sa government employees, sa mga tanggapan na may kulang sa 10 na nagtatrabaho, sa mga kasambahay, managerial employees, mga contractual, task o commission basis atbp.
May dahilan din kung bakit exempt ang mga kategoryang ito. Ang mga maliit na tanggapan ay nanganganib magsara kapag hindi kayanin ang holiday pay rules. Ang gobyerno naman ay covered ng civil service law at ang pangunahing motibasyon pa rin dapat sa kanila ay ang serbisyo at hindi kita.
Sa Maynila, umpisa ngayon pa lang ay bakasyon na ang mga kawani ng gobyerno dahil sa proklamasyon ni Mayor Joseph Erap Estrada na ginawa itong non working day.