MARAMING lumulutang na katanungan ngayon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Sincere ba talaga sila sa pakikipag-usap sa pamahalaan. Talaga bang ang hangad nila ay kapayapaan sa Mindanao o nais nilang magsarili? Talaga bang gusto nilang matapos na ang napakatagal na bakbakan o lalo lang silang naghahangad ng kaguluhan? Kaaway ba sila ng mga terorista o kakampi?
Ang pagkamatay ng 44 Special Action Force (SAF) commandos sa Mamasapano ang isa sa mga pangunahing dahilan kaya lumabnaw ang pagtalakay sa Bangsamoro Basic Law (BBL). Nanganganib nang ibasura ang panukala. Pero mayroon pa ngayong lumulutang na usapin na isa rin sa dahilan kung bakit nawawalan na ng pag-asang matuloy ang pagtalakay sa BBL. Ito ay ang tungkol sa ginagawang expansion ng MILF sa mga lugar na hindi nila teritoryo. Ayon sa report, nadiskubre sa Iligan City kamakailan ang training camp ng MILF. Ang training camp ay kumpleto sa pagsasanay para sa mga sundalo. Bukod sa pagkakatuklas sa kampo, napag-alaman din na nagre-recruit umano ang MILF ng mga tao o mga kalalakihan para sa kanilang armed forces.
Ang pagtatayo ng training camp ay paglabag sa peace agreement na nilagdaan ng MILF at gobyerno. Nagpapakita lamang na hindi pinahahalagahan ang pinag-usapan ng dalawang panig. Bakit kailangang magkaroon ng training camp gayung kung maaaprubahan ang Bangsamoro Basic Law (BBL) ay magkakaroon naman sila ng sariling hukbo. Ano ang dahilan at may patago pang pagtatayo ng mga kampo?
Nakitaan ng kawalang tiwala ang MILF dahil sa nangyari sa Mamasapano at ngayon ay nadagdagan pa dahil sa mga nadiskubreng kampo. Kung tunay ang pakikipag-usap, hindi dapat gawin ang mga paglabag sa pinagkasunduan.
Ang mga nangyayaring ito ay lalo lamang naghuhulog sa BBL sa malalim na hukay. Kapag hindi nakita ang sinseridad, malamang na mahulog na nga ang BBL sa bangin at hindi na makakaahon.