HINDI na bago ang mga problema ng MRT/LRT pagdating sa pagpasok ng kanilang mga tiket sa pasukan at labasan ng mga tren. Madalas mangyari ang hindi gumaganang tiket, kaya maaabala ka dahil kailangan mong ipapalit ang tiket sa mga counter. Ang mga ginagamit na tiket sa MRT/LRT ay mga magnetic stripe na tiket, na medyo luma na ang teknolohiya, at madalas nagkakaroon ng problema. Kaya naman may bagong sistema na patutuparin sa LRT-2, ang pinaka hindi gamit na linya ng tren, itong Mayo. Ang sistema ay kapares ng Octopus card ng Hong Kong kung saan kailangan mo lang idikit o ilapit ang card sa mga sensor at mababasa na. Ganito nga ang matagal ko nang nakikita sa Hong Kong at Singapore. Mga pitaka at bag nga lang ang inilalapit sa mga sensor, nakakapasok na sila. At hindi lang sa tren nagagamit ang Octopus card kundi sa maraming tindahan para magbayad ng bilihin, pati na rin sa mga pampublikong bus at parking lot. Isipin mo kung ganun na rin dito.
Inuna na raw muna ng DOTC ang LRT-2 dahil hindi masyadong marami ang sumasakay nito. Ito na rin ang dahilan siguro kung bakit hindi masyadong nagkakaaberya sa LRT-2 at hindi bugbog. Kung may makitang mga problema sa sistema, masosolusyunan kaagad. Kapag naging matagumpay na ang sistema, gagamitin na rin sa LRT-1 at MRT itong taon. Isang card na lang para sa tatlong linya ng tren, at mas malaki pa ang makakarga na halagang pera para hindi pabalik-balik sa bilihan. Sa totoo lang, kung matagal na itong ginagamit sa Hong Kong at ibang bansa, bakit ngayon lang pinapasok sa bansa? Kung may kinalaman ang kalakaran ng mga ibang administrasyon, eh baka iyon na nga ang dahilan. Pero kung mapapaganda na ang sistema ng mga tiket, sana naman pati ang mga tren mismo ay mapaganda na rin. Parang walang silbi ang mga tiket na iyan kung hindi rin umaandar ang tren, hindi ba?
Kailangan na talaga humabol ang Pilipinas sa mga ibang bansa pagdating sa teknolohiya. Medyo nahuhuli na nga tayo. Isa pang puwedeng baguhin ay ang bilis ng internet, dahil ang Pilipinas ang isa sa pinakamabagal sa rehiyon. Kung may digital signal na para sa libreng channel ng TV, baka naman ang internet ay puwede nang pabilisan. Maganda naman at may mga pagbabago tayong nakikita. Unti-unting nagiging maayos na ang NAIA Terminal 1, may mga countdown counters na sa ilang intersection, at marami na ring websites ang mga negosyo kung saan puwedeng mamili na lang online. Pero marami pang puwedeng baguhin kung gustong mapantayan ang mga kapitbahay na bansa.