Balik sa manu-mano?

PINATIGIL ng Supreme Court na gamitin ang precinct count optical scan (PCOS) machines sa darating  na 2016 presidential elections.

Labindalawang justices ang bumoto para ipatupad ang temporary restraining order dahil nilabag nito ang kontratang pinermahan ni dating Comelec chair  Sixto Brillantes dahil hindi sila nagsagawa ng public bidding na kailangan sa ilalim ng batas.

At dahil nga ibinasura ng Korte Suprema ang kontrata sa paborito ni Brillantes na Smartmatic kung kaya maaring balik na naman sa manu-manong pagbilang sa mga boto kung tuluyang ipagbawal ang partisipasyon ng Smartmatic sa bidding at kung magkulang sa oras para sa isa pang public bidding.

Ilang sektor din ng ating lipunan ang nag-akusa sa Comelec na sa tulong ng Smartmatic, ginamit ang PCOS machines noong nakaraang election sa pandaraya.

Mismong si Sen. Koko Pimentel ang nagbulgar: “Sira ang accuracy ng PCOS machines dahil the machine is counting votes which are not shaded or voted for by the voter.”

Kung may katotohanan ang bintang ni Kumpanyerong Pimentel, maari kayang may katotohanan ang bintang na talagang minaniobra ang PCOS machines para paboran ang mga kandidatong gustong papanalunin ng Comelec?

At kung totoo na may naganap na dayaan sa bilangan ng boto noong nakaraang elections lalong dapat na ma-ging vigilant ang lahat.

Bantayan natin sa araw ng election hindi lamang ang botohan kundi higit sa lahat ay ang pagbilang sa ating mga boto. H’wag nating hayaang manaig ang kasamaan laban sa kabutihan.

Kapag walang ginawa ang mabubuting tao rito sa mundo, tiyak na mamamayani ang mga kampon ng karimlan. Dapat manaig ang kabutihan sa lahat ng panahon.

Binabati ko ang aking bros sa GLBII (Guardians Loyal Brotherhood Intl. Inc.) hindi Gandang Lalaki Bawat Isa-isa pero sa totoo lang ay talagang pogi ang marami sa amin. Keep up the good fight brothers.

Show comments