Malawakang summer power outage na naman sa Mindanao

HINDI ko maintindihan kung anong senaryo na naman ang niluluto ng National Grid Corporation of the Philippines at kahapon ay hindi nito naitala ang power situation outlook for Mindanao.

Andun naman sa power situation outlook nito sa website ng NGCP ang sa Visayas at Luzon. Ngunit wala nga ang Mindanao na nilagyan lang ng ‘0’ ang System Capacity, System Peak at Reserve columns nito.

Ano nga ba ang ibig palabasin ng NGCP? Ngayong tag-init na naman at hindi kaila na malaking perwisyo ang dulot ng pagtuyo ng water level ng mga main sources nito ng hydroelectric power na Lanao Lake sa Marawi City at ang Polangui River sa Bukidnon.

Tuwing tag-init umaabot hanggang walo at maging 10 oras ang power outage sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao bunsod ng power curtailment na pinatutupad ng power utilities upang maayos na magamit ng lahat ng consumers kung anumang natitirang supply.

Kaya summer na naman ngunit tiyak na less fun dito sa Mindanao dahil nga sa inaasahang malawakang brownout.

Inaasahang maituwid din itong pagkukulang sa power supply sa susunod na taon dahil nga may ilang coal-fired power plant na sisimulan na ang operation nila by early 2016.

Ayon sa mga spokesmen ng AboitizPower at maging ng San Miguel Power Coporation, inaasahang aandar na ang kanilang coal power plants sa may Binugao, Toril district dito sa Davao City para sa Aboitiz at sa Malita, Davao Occidental naman ang power plant na pinatayo ni Ramon Ang.

Sinasabing magkaroon na ng ‘happy problem’ ukol sa power supply ang Mindanao sa susunod na taon dahil nga raw magkaroon nang mas malaking reserve o sobra sa power­ supply and katimugan pagdating ng nasabing panahon.

Ngunit lahat iyan ay inaabangan pa. At ang tiyak lang sa mga panahong ito ng tag-init ay talagang super init at less fun dito sa Mindanao.

Show comments