Paghandaan ang gulo

SAKALING tuluyang maibasura ang Bangsamoro Basic Law o kaya’y  magkaroon ng amyenda na hindi katanggap-tanggap sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) malamang pinaigting na gulo ang mangyayari sa Mindanao.

Kaya tama ang payo ni dating Presidente Ramos sa Malacañang na paghandaan ang ganyang “worst case scenario”.

Ayon sa survey ng Pulse Asia, maging sa Mindanao mismo ay marami ang tumututol sa BBL. Palibhasa’y isang maliit na sektor lamang ang kinakatawan ng MILF sa buong Mindanao. Paano na yung ibang mga tribo kasama na ang mayoryang Kristiyano?

At matapos ang malagim na Mamasapano incident, nag-atrasan ang pagsuporta ng maraming mambabatas sa panukalang BBL kaya lalu lumabo ang tsansa na ito’y mapagtitibay sa loob ng termino ni Presidente Aquino.

Mahalaga ang prosesong kapayapaan. Pero sana, huwag lang itong ituon sa iisang maliit na sektor gaya ng MILF at ikonsidera din naman yung ibang mga stakeholders sa buong Mindanao. Malawakang konsultasyon ang kailangan at hindi lang yung kapritso ng iilan ang ikonsidera.

Hindi madaling gawin iyan. Tiyak, may manggugulo. At kahit sinasabi nating maliit na sektor lang ay kayang-kaya nilang maghasik ng lagim maging sa buong bansa dahil sila’y bihasa sa larangan ng terorismo at may sarili pang pagawaan ng mga sandata.

Ngunit kung mangyayari ang ganyang pangamba, mayroon naman tayong batas na puwedeng ipatupad. Hindi dapat supilin ang implementasyon ng batas dahil lamang ay isinusulong na prosesong pang-kapayapaan.

Ang lagay ba naman eh, pinagbababaril na tayo at nagpapasabog pa ng bomba ay hindi kikilos ang mga tagapagpatupad ng batas dahil sa peace process? Maling katuwiran iyan kung magkagayon.

Peace process must work two-ways. Kung ang isang panig ay gagawa ng labag sa batas, may mga operatiba tayo para mangalaga ng kaayusan at kapayapaan at dapat gamitin ang nararapat na puwersa para labanan at supilin ang mga gumagawa ng karahasan.

 

         

Show comments