NAKAKASAWA nang parang sirang plaka ang puro nalang pagtuturo ng sisi ni Pangulong Noy Aquino.
Walang paninindigan, hindi marunong makinig, ayaw umako ng responsibilidad bagkus ang alam, puro paninisi sa mga taong nasa ibaba. Para bang wala siyang pananagutan bilang isang lider.
Ganito ang nangyayari sa hindi pa rin matapos-tapos na imbestigasyon sa Mamasapano massacre.
Hindi pa man lumalabas ang resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry (BOI), pinangunahan na agad ng pangulo.
Pinaninindigan niyang kasalanan lahat ni dating Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) Commander Gen. Getulio Napeñas ang nabulilyasong operasyon habang si dating PNP Chief Alan Purisima, inabsuwelto.
Umani ito ng batikos sa publiko. Iba pa ito doon sa pinuputakte ring Bangsamoro Basic Law (BBL) na pilit minamadali at talagang ipinagduduldulang ipasa ng administrasyon.
Kaya sa isinagawang prayer gathering sa Palasyo noong Lunes kasama ang lider ng mga piling denominasyon, sa halip na nakatuon ang okasyon sa pagdarasal para mabigyang-linaw ng pag-iisip ang pangulo sa mga kaguluhan sa bansa, nauwi sa panenermon sa mga kritiko ng pangulo.
‘KSP’ o Kulang sa Pansin’ daw ang mga bumabatikos sa kaniya. ‘Kulang sa Pag-iisip nang maayos,’ at ‘Kulang sa Pagkalinga sa kapwa.’
Wala raw ibang hinahanap kundi ang mga mali sa administrasyon pero wala namang inilalatag na resonable at alternatibong solusyon.
Sila rin daw ‘yung mga kritiko na sa anumang gawing pasya, desisyon at kilos ng pamahalaan may nakahanda na agad batikos at kritisismo.
Kung ikinukunsidera man ng Palasyo na ‘KSP’ ang BITAG Live sa mga pag-aanalisa sa mga isyu at kaganapan, ayos lang. Ang mahalaga naipapaalam sa publiko ang mga bagay na dapat nilang malaman at maunawaan.
Tulad ng sinabi ko sa aking programa, hindi namin trabaho sa media na hubugin ang isang indibibwal kung papaano maging isang mabuting lider o presidente. Kundi para punahin, ipakita at ipaalam kung ano ang kaniyang mga kamalian, kakulangan, dapat gawin at dapat pang malaman.
Abangan ang Bitag Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.