ANG ayaw sa Bangsamoro Basic Law ay kaaway ng kapayapaan. ‘Yan ang propaganda ng Malacañang. Mali. kasi nagpapatakot sila sa Moro Islamic Liberation Front, na tinawag ni P-Noy na “mga halang ang bituka.” Nagbabala sa Senado itong separatistang MILF na muling makikipag-hiwalay sa Pilipinas kung baguhin ang bersiyon nito ng BBL. At hayan, inaapura ng Malacañang ang Kongreso na ipasa na ang BBL dahil sa banta ng rebelde. Kaduwagan, katrayduran!
Maraming taga-Mindanao na nagsusulong ng kapayapaan, ngunit hindi sa pamamagitan ng BBL. Ma-problema kasi ang panukala. Palalawakin ang Autonomous Region for Muslim Mindanao at iaangat bilang sub-state, na tatawaging Bangsamoro. Magkakaroon ng sariling pulisya, Commissions on Audit, Elections, Civil Service, at Ombudsman. Aalisin ito sa saklaw ng Depts. of Budget at ng Finance. Bibigyan taun-taon ng central government ang Bangsamoro ng P75 bilyon. Konseho lang ng Bangsamoro -- na paghaharian ng MILF -- ang magpapasya kung sa anu-ano ito gagastusin. Para sa mga tutol sa BBL, hindi ito mauuwi sa kapayapaan kundi sa paglabag sa Konstitusyon.
May katuwiran ang mga tumututol sa BBL. Anila, kung meron palang taunang P75 bilyon na itutustos sa pagpapaunlad sa Muslim Mindanao, e di ngayon pa lang ay ibuhos na ito roon. Ngayon pa lang ipagpagawa na ng highways, tulay, riles; airports, pier, bus; bahay, paaralan, ospital; tubig, kuryente, telecommunications. Sa pagpapatupad ng mga proyektong ito, magkakatrabaho ang mga Muslim, Kristiyano, at Lumad, maging janitor at clerk, halimbawa, hanggang doktor, enhinyero, at pati artista’t musikero. Magkakanegosyo ang marurunong, sa pagsuporta sa kanila -- mula kantina at tahian ng uniporme, halimbawa, hanggang pabrika ng semento at semiconductors.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).