INERTIA. Tawag sa katangian ng bagay na nananatiling nakahinto hangga’t wala pang nagpapagalaw dito. Sa Tagalog, TIGAL.
Sa mga nakaraang buwan, madalas nating mabasa ang salitang inertia o tigal kapag nilalarawan ang ikinikilos o ang kawalan ng kilos ng Palasyo sa mga bagay na dapat tuunan ng pansin. Kapuna-puna ang tigal ng Pangulo sa pagpuno ng mga mahalagang posisyon sa pamahalaan tulad ng mga Chairman ng Constitutional Commissions, Comelec, COA at Civil Service; wala pa ring permanenteng Kalihim ng Department of Health at, hanggang sa ngayon, hindi pa rin napapalitan si General Alan Purisima ng kanyang kahalili bilang Chief PNP. Ang balita ay nagpapatung-patong na ang mga papeles sa mesa ng Pangulo na hindi pa naaaksyunan.
Ang inertia ng Palasyo ay napansin din sa reaksyon nito sa Mamasapano. Maiwasan naman sana ang naglutangan na kampanya tulad ng “where’s P-Noy” kung agad lang sana itong umakto matapos ng trahedya. Sa halip ay tinuya ito ng mga mamamayan dahil sa kanyang hindi mapaliwanag na absences at sa kakulangan ng paliwanag.
Maraming maipagmamalaki si P-Noy at ang kanyang administrasyon. Subalit gaano mang kadakila ang kanilang mga nagawa na, wala silang laya at karapatan na isiping naka-boundary na sa serbisyo. Ang tiwalang hiningi sa tao ay isang kontratang bakal na sa 24 na oras sa isang araw at sa 7 na araw sa isang linggo, ang bawat sandali ay irereserba sa bayan at, sa abot ng makakaya, ilalaan ang panahon at paglilingkod.
Sa ganitong mga pagkakataon, nakatutok ang mata ng tao sa Pangulo at hinihintay lang na siya ay mamuno ng desidido. Sana naman ay bumangon na ito sa pagkatigal. Mahaba ang listahan ng nalalabing gawin: Ilan lang dito ang kawalang ng kuryente; improvement ng public transportation (MRT, Airport, PNR) at traffic; ang pagpakulong sa mga kapartidong sangkot sa pork barrel scandals, atbp.
May mahigit isang taon pa si P-Noy sa puwesto. Sa bawat araw ng nalalabing termino, napakalaki nang magagawa niyang tulong hambing sa kung ano man ang kakayanin niya kapag karaniwan na lang na mamamayan. Ang mensahe natin kay P-Noy? Tigil Tigal!