ANG Marso ang dineklarang Fire Prevention Month. At bilang pagsalubong sa Marso, sunud-sunod na sunog ang pinatikim sa Metro Manila. Naging abala ang mga bumbero sa kabi-kabilang sunog. Walang patid ang biyahe ng mga firetruck at nakabibingi ang serena.
Kahapon, nagkaroon ng sunog sa Parañaque City at sa Blumentritt, Sta. Cruz, Manila. Noong Martes, dakong alas sais ng gabi, isang sunog ang sumiklab sa Parola, Tondo, Manila. At kinabukasan, muli na namang sumiklab ang sunog sa nasabing lugar at naganap sa Gate 4 ng Parola Compound. Naganap ang sunog isang araw makaraang magbabala ang Bureau of Fire Protection (BFP) na mag-ingat sa sunog ngayong Fire Prevention Month. Ang illegal na instalasyon ng kuryente ang sinasabing dahilan ng sunog.
Nag-umpisa ang mga sunog ilang araw bago ang Fire Prevention Month.
Isang sunog ang naganap noong Sabado sa Araneta Avenue, Quezon City. Nasunog ang commercial building at naapula lamang noong Linggo ng umaga. Kasabay ng sunog na iyon, isang sunog din ang naganap sa Pasig City kung saan, 1,000 kabahayan ang natupok.
Noong Biyernes, apat katao ang namatay, kabilang ang isang sanggol, nang masunog ang isang bahay sa Marilao, Bulacan.
Noong Linggo, nasunog ang 13 bahay sa Cubao, Quezon City. Wala namang naiulat na namatay o nasugatan sa sunog na nagsimula ng madaling-araw.
Ang dahilan ng mga sunog ay nag-overload na kuryente at napabayaang kandila. Pero sabi ng BFP, mas mababa ang insidente ng sunog ngayon kumpara sa nakaraang taon. Ayon sa BFP, mula Enero hanggang Pebrero 2015, nasa mahigit 2,000 sunog ang nangyari sa Metro Manila kumpara sa 3,800 na sunog noong 2014 sa kaparehong buwan.
Paalala ng BFP sa mamamayan o mga may-ari ng bahay, ibaba ang main switch o fuse box kung aalis nang bahay. Huwag gagamitin nang sobra-sobra o tuluy-tuloy ang electric fan at airconditioner para hindi mag-overheat. Laging i-check ang electrical circuits. Iwasan ang octopus connections. Laging inspeksiyunin ang LPG tanks at ang hose nito. Ilayo sa mga bata ang mga combustible na bagay o mada-ling sumiklab gaya ng thinner, gas at posporo.