HINDI ko alam kung ano ang nangyayari sa Department of Environment and Natural Resources at hindi man lang dinagdagan ng tauhan at maging kagamitan ang magbabantay ng kagubatan ng Mt. Apo lalo na ang sa may eastern side.
Ang Mt. Apo pa naman ang highest peak ng Pilipinas.
Isa ang Mt. Apo sa simbolo ng Pilipinas lalo na ng Mindanao.
Nitong huli nga ay may apat na sabay-sabay na sunog na nagaganap sa may eastern side ng natitirang kagubatan ng Mt. Apo.
At tinatantiyang sa loob ng limang taon ay mababawasan ng tatlumpung porsyento ang kagubatan ng Mt. Apo.
Ngunit heto ang nakakalungkot dahil nga noong tinanong ko si DENR XI director Joselin Marcus Fragada, kinumpirma naman niyang may nag-iisa nga raw na forest ranger na may 62 taong gulang na sa nasabing bahagi ng Mt. Apo.
Eh, paano mababantayan ang napakalawak na kagubatan ng Mt. Apo ng isang 62-year old na forest ranger?
Apat na sunog na magkasabay ‘yon. Ano ang gagawin ng lolo na forest ranger? Tatakbo siya sa bawat nasusunog na area at ano?
Ang masaklap ay wala pa talagang sasakyan ang designated forest ranger ng Mt. Apo.
Bukod sa walang sasakyan,wala pa talagang mga kaukulang gamit ang nasabing forest ranger upang mabantayan niya ng maigi ang Mt. Apo.
Ayon kay Fragada ay nakikipag-usap naman daw ang DENR sa mga nasasakop na barangay sa paanan ng Mt. Apo upang tumulong nga sa pagbabantay sa area.
Kung katulong nga ang mga barangay tanod kung wala namang kagamitan at maging sasakyan ang mga kinauukulan, paano na naman ‘yon?
Hanggang tingin na lang ba sa mga nasusunog na kagubatan ang DENR?
Malapit na ring mareretiro si Lolo forest ranger.
Ano ba DENR? Tutunganga na lang ba ang sambayanan habang mabilis na nauubos ang kagubatan ng Mt. Apo?