Transpigurasyon

ANG mga problema ay pagsubok ng Diyos na kadalasan ay hindi natin maunawaan.  Hindi natin alam na ito ay biyayang nagpapatatag ng ating pananampalataya sa Diyos, sapagkat Siya ang Nagbibigay sa atin ng Kanyang buhay.

Alam ni Abraham na Diyos ang nagpapunta sa kanya sa bundok ng Moria. Doon sinubukan ang kanyang pagsunod at pananampalatya sa pag-aalay ng kanyang anak na si Isaac. Naipakita niya na handa siyang sumunod sa Diyos sapagkat hindi niya ipinagkait ang pinakamamahal niyang anak.

Lubusang tayong maniwala, sumampalataya at sumunod sa Kanya upang maging kanyang anak ng Diyos. “Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin?”

Maging sa ebanghelyo ay ipinakita ng Ama kina Pedro, Santiago at Juan ang kaharian ng langit na doon namumuhay sina Moises at Elias. “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo Siya”. Ito ang Transpigurasyon, ang pagpapakita ng kaharian sa  langit. Namangha si Pedro at hinikayat niya si Hesus na doon na sila tumira at gagawa siya ng tatlong kubol.

Sa tuwing magbibigay ako ng weekend retreat o Marriage Encounter ay inihahalintulad ko ito sa pagbabagong anyo ni Hesus. Lagi kong sinasabi sa kanila na ito ay tulad kina Pedro, Santiago at Juan. Madarama nila ang katahimikan, katiwasayan at kapayapaan. Para bang nawalang lahat ang kaguluhan sa kanilang buhay. Ang weekend na ito ang nagpapatibay na dapat pagnilayan, pag-aralan at patatagin ang ating pananampalataya sa Poon. Siya ang kanlungan ng ating lakas.

Ipinakita ni Hesus kina Pedro, Santiago at Juan na dapat patatagin ang kanilang pananampalataya upang paghandaan ang pagsubok ng Ama sa Kanyang Anak na si Hesus!

Gen22:1-2, 9a, 10-13, 15-18; Salmo115; Rom8:31b-34 at Mk9:2-10

Show comments