LAHAT ay may opinyon sa masaker sa Mamasapano, at sa itatayong Bangsamoro sub-state. Higit na pakinggan ang mga direktang apektado o may karanasan -- tulad ng dalawang biyuda na lumiham. Una si Rebecca F. Bustamante, misis ng isang Marine:
‘‘Sasali ako sa usapan tungkol sa (44 na commandos ng) SAF [na napatay sa Mamasapano]. Ang tumatawag na tanga si Presidente ay mas tanga. Ilang Marine platoons na ang napatay? Sa Army ilan na rin?
‘‘Bakit nangyari ito sa SAF? Ang mapagpasyang tagaplano (maari ang Presidente) ay dadaigin ng mapagpasyang tagapagpatupad.
“Kamakailan inutos ng dayuhang hepe ng UN peace-keepers sa Golan Heights sa Philippine contingent na sumuko (para ipain) sa mga rebelde. Ano’ng ginawa ng Philippine Army field commander? Lumaban sila, at matagumpay na nakalusot sa pagkakapalibot ng mga kalaban.
“Tanggapin natin: Kasalanan ng mga lider ng SAF sa area (ang pagkaubos ng 44). Kasi, sila ang sumuri ng sitwasyon doon. Ang tagapag-patupad, dapat may nakahandang backup, na alam kung kelan sila sasaklolo. Walang nu’n sa SAF, kasi balak nila na solohin sana ang credit.
“Mas maraming nakakaawang Marines na ni walang pagkilala ang pagkamatay. Wala akong nakitang Marine na sinisi ang gobyerno dahil may namatay sa kanila. Tahimik lang na lumuluha ang mga naulila sa isang sulok ng funeraria.Pero mas mahirap sila kaysa mga taga-SAF. At kung tagumpay ang misyon, walang ingay o seremonya. Anang asawa ko, ‘Bahagi ng tungkulin ko na mamatay kung kailangan, at walang sisisihin, dahil ako ay Marine.’
“Di ba’t tao rin ang mga napatay na Moro? Ano ang kaibahan nila sa mga napatay na sundalo o pulis? Mas napaiyak ako sa mga sundalo na pinatay nang patraydor, sugatan na pinugutan.” (Itutuloy bukas)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).