Wala pang kudeta na nagtagumpay

KUNG ang pag-uusapan ay kudeta ng militar, ilang ulit nang tinangka ito sa ating bansa at wala ni isang pagtatangka na nagtagumpay.

Ngunit ang pag-aaklas ng buong sambayanan laban sa  pinunong inaayawan na ay puwedeng  magtagumpay. Naranasan na natin iyan noong 1986 nang maalis sa puwesto si Presidente Ferdinand Marcos sa pamamagitan ng EDSA People Power Revolution.

Nangyari uli ito nang mapatalsik sa pangka-pangulo ang ngayo’y Alkalde ng Maynila na si Joseph Estrada noong Enero 2001. Ibig sabihin, kailangan ang suporta ng nakararaming masa para magtagumpay ang ano mang tangkang alisin ang umiiral na administrasyon.

Pero ano mang uri ng kudeta ito, military man o pagaalsa ng taumbayan ay matatawag na counterproductive  o paatras.

Sa puntong ito na dumarami ang galit sa administrasyong Aquino, naniniwala ako na mas mabuting paghandaan ang nalalapit na halalan sa 2016 at  bumoto nang tama para huwag magsisi. Dapat ding maging mapagmatyag para siguruhing hindi magkakaroon ng high-tech na dagdag-bawas.

Dapat karapatdapat ang maluklok sa pinakamataas na puwesto sa pamahalaan. Pero sino yon?  Ipag-pray natin na may susulpot na lang isang araw na talagang anointed ng Diyos para tumakbo sa pagka-pangulo.

Sa ngayon, may mga  lumulutang na balita na maa-aring tumakbo muli si Manila Mayor Estrada.  Naghayag din daw ng intensyong kumandidato si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Pero harinawang lumawak pa lalu ang hanay ng puwedeng pagpilian nang sa gayo’y matalino tayong makapagpasya kung sino ang karapatdapat sa panguluhan.

Kailangan nati’y isang leader na may takot at pagmamahal sa Diyos at may abilidad mamuno. Hindi puwedeng paikutin ng iba-ibang sektor na may kani-kaniyang interes. Isang leader na ang nangungunang interes ay paglingkuran ang mamamayan at hindi ang alin mang sektor na magbibigay ng pabor sa kanya. Manalangin tayo:  Lord, ito po ang hinihingi naming mga Pilipino sa iyo, sa ngalan ng aming Panginoong Hesus – Amen.

 

         

Show comments