LUNDOY na sidecar, manipis ng yero at may bahid na ng kalawang. Sa itsura nito, modelo ng motor at porma ng drayber bakas ang traysikel na ilang dekada ng pinapasada.
“Wala nga akong balak palitan ang unang traysikel ko kung ‘di lang ako binilihan ng bago ng anak kong si Sonboy,” panimula ni ‘Sabing’.
Ang lumang traysikel na dating minamaneho ng 75 anyos na si Sabiniano Dela Rosa, napalitan ng bago…bago ang sidecar at bagong modelo ng motor, ang Barako-Kawasaki, 2009.
Tubong Sta. Cruz, Laguna si Sabing at asawang si Josephine o “Josie”, 68 anyos. Nagkaroon sila ng limang anak.
Dalawamput limang taong gulang pa lang si Sabing, namamasada na siya ng traysikel. Ito na rin ang pinangtustos niya sa pangangailangan ng mag-iina.
Mula sa pamamasada ng traysikel sa Sta. Cruz, taong 1981 ng mapadpad si Sabing sa isang garahe sa Santolan, Pasig. Simula nun sa TODA EPS (Evangelista, Pasco, Santolan) na siya namasada.
Mag-isa si Sabing na naninirahan sa Santolan, ang kanyang traysikel ang kasakasama niya sa araw-araw.
Sa pagtitiyaga ni Sabing, nakasampa ng barko ang kanyang panganay na si Sonboy—44 taong gulang, may sarili na ring pamilya. Taong 2009, nang ibili siya ng anak ng bagong traysikel.
“Yung luma ko binenta ko sa halagang Php10,000 na lang. Dahil matagal ko ng gamit yun,” kwento ni Sabing.
Mahal ang bagong prangkisa kaya’t hindi niya ito binenta at yun pa din ang ginamit sa bagong traysikel na kanyang nabili sa halagang Php130,000.
Kahit may edad na, mas naging Ganado sa pamamasada si Sabing. Tuloy-tuloy pa sana ang biyahe niya hanggang sa dumating ang taong 2010.
Biglaan ang pagbaba ng barko ni Sonboy dahil sa matinding karamdaman. Nagkaroon ito ng komplikasyon sa diabetes at tinamaan ang kanyang baga.
Nagpalabas-masok sa ospital sa Laguna ang anak. Kinakaya pa nila ang gastusin nung una hanggang sa umabot na sa Php200,000.
Wala na silang mapagkuhanan ng pera kaya’t ang naisip na solusyon ni Sabing, isanla umano ang kanyang bagong traysikel sa halagang P150,000.
Pinakilala sa kanya ng ka-toda si Crisanto Mendoza o “Cris”, 64 anyos kilalang nagpapautang (5-6) daw sa lugar.
Mabilis siyang nagpunta sa bahay ni Cris sa Santolan. Sinabi niyang gusto niyang isanla ang traysikel dahil kailangan niya ng pera.
“Ang usapan sanla lang pero deed of sale ang pinapirma niya sa’kin,” ayon kay Sabing.
Oktubre 14, 2010 daw ng pinapirma sa kanya ang Deed of Sale. Base sa kopya ng Deed of Sale binili niya ang traysikel sa halagang P150,000.
Binigay naman ni Cris ang bayad. Nung una P50,000 at saka ibinigay ang natitirang halaga.
Si Sabing pa rin ang nagmamaneho ng traysikel. Ang usapan nila araw-araw ang hulog, P200 piso sa unang taon, P300 sa pangalawa at sa huling taon ang kanyang ibibigay ay nagkakahalaga ng P400.
Ginamit ni Sabing ang pera para sa pagpapagamot ng anak. Ilang buwan makalipas ika- 2 ng Enero 2011, hindi na kinaya ni Sonboy ang sakit at namatay.
Isang taon makalipas asawa naman niyang si Corazon ang binawian ng buhay matapos ma-‘stroke’.
Nagpatuloy sa pagbabayad ng utang si Sabing. Bago gumarahe si Sabing, ibibigay niya ang pera sa bahay mismo ni Cris. Ang lahat ng kanyang hulog nakalista sa isang maliit na notebook na pirmado naman daw nitong si Cris.
“May pagkakataong hindi ako nakakapaghuhulog,” ayon kay Sabing.
Nasa limang buwan din daw na palya niya subalit sinusubukan niya pa rin daw maghulog. Halos magdamag daw siya kung pumasada.
Ika-15 ng Nobyembre 2014, bandang 9:00PM pumunta siya sa bahay ni Cris para magbayad ng P400. Nagulat siya ng hindi na ito tanggapin ni Cris.
“Iwanan mo na susi ng motor dyan!” utos daw nito.
“Huh? Paano ako makakabayad sa’yo?” tanong ni Sabing.
Matigas na inutos muli ni Cris na iwan ang susi. Hindi sumunod si Sabing subalit wala siyang nagawa ng anak na nito ang lumabas para kunin ang traysikel.
“Umalis na lang ako sa pagkakasampa ko sa motor…” aniya.
Kinabukasan nagpunta sa Barangay Santolan si Sabing. Pinatawag si Cris para magharap sila subalit ang asawa nitong si Tes ang sumipot dala ang kopya ng umano’y Deed of Sale.
“Wala na daw akong magagawa dahil may Deed of Sale na daw,” pahayag ni Sabing.
Nakiusap si Sabing na kahit kunin na Cris ang traysikel, ibalik lang sa kanya ang prangkisa nito. Giit naman umano ni Cris, “Binenta mo sa’kin ang traysikel…understood na ‘yon!”
Sa ngayon umiiekstra na lang sa pamamasada si Sabing. Wala naman gustong nagpalabas ng traysikel sa kanya ng permanente dahil matanda na siya. Gustong malaman ni Sabing ang ligal na hakbang maari niyang gawin dahilan para magpunta siya sa aming tanggapan.
“Ang sabi niya umabot na sa kalahating Milyon ang utang ko. Higit na nga sa inutang ko ang binayad ko sa kanya,” ayon kay Sabing.
Itinampok namin ang kwento ni Sabing sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/ Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ganyan ang bagong style ngayon ng nagpapasanla ng motor, gumagagawa sila ng Deed of Sale na kapag hindi ka nakapagbayad sa sanla diretsong Deed of Sale na ang ipapasok nila.
Sa kaso naman nito, kahit binenta na niya ang motor hindi naman kasama ang prangkisa sa kanilang kasunduan. Para magamit niya pa ang prangkisa, kumuha siya ng kopya nito sa Land Transportation Franchising & Regulatory Board (LTFRB) dahil sa kanya naman nakapangalan ang linya ng motor.
Sayang din lang ang lahat ng binayad niya dahil mababatak din pala sa bandang huli. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. 709 Shaw Blvd., Brgy. Oranbo, Pasig City. Maari din kayong magtext sa aming mga hotline numbers, ang 09213263166, 09213784392, 09198972854. O tumawag sa aming landline 6387285 / 7104038. Bukas ang aming tanggapan mula Lunes hanggang Biyernes.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038