HINDI raw totoo na naubusan ng bala ang mga SAF commandos na naka-enkuwentro ng mga MILF at BIFF, kaya sila napaslang. Hindi raw pumutok ang mga 40mm M203 na granada na ginamit ng mga SAF, kaya sila inabutan ng mga rebelde. Ayon kay Supt. Raymund Train, ang intelligence officer na namuno sa 38 SAF commandos, hindi sila naubusan ng bala dahil inutos niya ang kanyang mga tauhan na maging disiplinado sa paggamit ng kanilang mga baril. Sa madaling salita, magpaputok lang kapag may malinaw na tatamaan. Pero ang kanilang mga M203 na granada ay hindi pumutok. At dahil walang dumating na tulong para sa kanila, inabutan sila ng mga kalaban. Kung gumana lang sana ang kanilang mga granada, baka hindi nakalapit kaagad ang kalaban hanggang sa duma-ting ang kanilang hininging tulong mula sa AFP.
Hindi na bago ang ganitong sitwasyon para sa mga sundalo’t pulis. May insidente rin kung saan hindi pumutok ang mga mortar na bala na pinalipad ng Marines habang kaenkuwentro ang MILF at Abu Sayyaf. Marami rin ang namatay sa kanila, dahil hindi nga pumutok ang mga mortar. Kung dumadaan daw sa mahigpit na inspeksyon ang lahat ng kagamitan ng PNP at AFP, bakit nangyayari pa ang mga ganitong kapalpakan sa oras ng labanan? Saan ba gawa ang mga granada na iyan? Dito na ba gawa o sa Amerika? Bago ba o lumang imbentaryo na? Kung gumagamit pa tayo ng mga Huey helicopters mula sa panahon ng digmaan sa Vietnam, baka naman pati mga bala at granada ay galing din sa panahong iyon! Baka mas maganda pa ang mga bala at kagamitan ng mga sibilyan!
Isipin na lang kung pumutok ang mga granadang iyan, nakalapit ba ang mga kalaban para pagbabarilin sila sa ulo? Nakatakas kaya sila nang maayos? Mas mababawasan ba ang mga namatay na SAF? Ito ang mga tanong na hindi na masasagot. Hindi ko rin alam kung bakit ngayon lang lumalabas ang balitang ito tungkol sa mga M203 na granada, kung ilang linggo nang pinag-uusapan at iniimbestigahan ang masaker sa Mamasapano. At wala nang makapagsasabi na hindi ito isang masaker. Kumpirmado na 27 ng mga napatay na SAF ay may mga tama sa ulo. Indikasyon na sila ay “tinapos” kahit hindi na makalaban pa. Labag ito sa Geneva Convention, pero ano ang pakialam ng mga iyan?