Hostage drama

KUNG nakinig kayo sa iringan ng mga pabor at kontra sa Bangsamoro Basic Law (BBL), aakalain n’yong may hostage drama na nagaganap. Sa isang panig, tila hinohostage ang alaala ng mga nasawing SAF 44 at ginagamit ang kanilang sakripisyo na dahilan para pansamantalang itigil ang peace process. Sa kabilang dako ay mismong ang peace process ang hinohostage at pinipilit na ipasa ang BBL dahil sayang naman ang lahat ng pinaghirapan ngayong nasa bingit na tayo ng kapayapaan.

Kung may masasabing hinantungang maganda ang Mamasapano massacre, ito ay ang pagkamulat ng mata ng lipunan, sa wakas, sa mga argumento laban at pabor sa pagtayo ng Bangsamoro Entity sa Mindanao.

Hindi kaila sa madla na ang motibasyon para sa Bangsamoro ay ang hangaring resolusyon sa ilang dekada nang rebolusyonaryong pagkilos ng MILF. Sa kasaysayan ng prosesong pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng MILF, marami itong dinaanang hamon --- lalo na tuwing nalalabag ng magkabilang panig ang mga napagkasunduang cease fire. Subalit hindi naging hadlang ang mga ito upang maawat ang takbo ng negosasyon. Iba ang sentimyento ngayon -- ayon nga sa ating mga mambabatas, kung ngayon gaganapin ang botohan sa BBL, pihadong matatalo ito. Dahil higit sa kapayapaan, ang sigaw ng bansa ngayon ay katarungan.

Kasabay nito ay nagkakaroon ang karamihan ng masusing paghimay ng panukalang BBL. Ito ba’y naayon sa Saligang Batas? Ang MILF ba ay masasabing kumakatawan sa pangkalahatang Bangsamoro habang nariyan din ang ibang mga grupong itsa puwera sa negosasyon gaya ng MNLF, BIFF, Abu Sayaf, mga Tausug, lumad, Kristiyano? Gaano kasinsero ang MILF gayong malinaw na kinukupkop nito ang mga teroristang kriminal na kaaway ng pamahalaan?

Sa lahat ng ito, ang kuwestyon na kung naaayon ba ito sa konstitusyon ang pinakamahirap sagutin. Dahil binubuwag nito ang ARMM na mismong ang Saligang Batas ang nagtakda; dahil halos bigyan nito ng independence ang Bangsamoro entity sa pamahalaan; dahil dito ay nagiging kritikal ang pagtanggap ng tao sa panukala.

Impormasyon ang makakapagbigay ng linaw sa ating puso at isipan.

 

Show comments