Paano pipirma ng kapayapaan

PINUNA natin nu’ng Martes na wala palang tiwala si President Noynoy Aquino sa Moro Islamic Liberation Front, pero nakipag-peace talks pa. At isinalang niya sa Kongreso ang maselang Bangsamoro Basic Law, na magpapalawak sa Muslim Autonomous Region sa ilalim ng MILF.

Pinuna rin natin si MILF chief peace negotiator Mohagher Iqbal na nagpapalusot lang na kesyo hindi alam ng central committee kung paano nakaalpas-pansin ng MILF 105 Base Command ang paninirahan nina international terrorists Marwan at Basit Usman sa controlled area nito. Kumakanlong talaga ng terrorists ang MILF, at malamya ang hawak ng pamunuan sa mga armadong base commands. Samantala, nagtatampo si MILF chairman Murad Ebrahim na binabansagan silang “barbaro” dahil sa masaker ng MILF sa 44 na police commandos.

Ganunpaman, kapwa pa rin isinusulong nina P-Noy at Murad ang peace talks. Sa panawagan para sa hinahon tatlong araw makalipas ang Mamasapano Massacre, ani P-Noy dapat lalo ngayon ipasa ang BBL para matapos na ang 35 taong digmaan sa Mindanao.

Paliwanag naman ni Murad, walang ibang pupuntahan kundi kapayapaan. Batay sa kasaysayan, lahat ng opensiba ng gobyerno at MILF ay nauwi lang sa pagsira ng buhay at kabuhayan. Sa huli, nag-ceasefire at peace talks ang magkabilang panig.

 Kung gan’un, dapat matuto ang dalawang pinuno at puwersa nila na magtiwala sa isa’t-isa. Mahirap sa simula, dahil malalim ang sugat sa isip at katawan. Pero tiwala ang pundasyon ng matatag na kapayapaan.

Kailangan ibalik ng dalawang panig ang tiwala. Simulan na ng gobyerno ang pagpapaunlad sa Muslim Mindanao. Sagutin ito ng MILF ng pagparusa sa mga nangmasaker, at isoli ang baril, uniporme, at cell phones na ninakaw mula sa bangkay ng mga napatay na pulis.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

 

 

Show comments