AYON kay Mohagher Iqbal ng MILF, ang naganap na sagupaan ay isang hindi kanais-nais na kaganapan na nagdulot ng pagduda sa MILF hinggil sa pagpapatupad ng kapayapaan. Kailangan daw maibalik ang tiwala ng tao sa kanila. Wala nang mas tumpak na pahayag. Hindi ako magtataka kung higit 90 per cent ng mamamayang Pilipino ay nawalan ng tiwala sa MILF, dahil sa naganap sa Mamasapano, Maguindanao. Mabigat ang damdamin ng bansa ngayon sa pagpatay sa walang laban na 44 SAF commandos. Alam ng tao na may pagkakamali ang gobyerno, pero kumukulo rin ang damdamin dahil sa mga ginawang kasamaan sa mga bangkay ng mga napaslang na SAF. Lahat, ang sabi nga, sa panahon kung kailan may kasunduan na para sa kapayapaan.
May mga paraan para maibalik ang tiwala sa MILF. Isa rito ay ang pagsuko ng mga nasa likod na pananambang sa SAF commandos. Paatras na sila mula sa kanilang ginawang lehitimong operasyon para hulihin ang kilalang terorista. Dito na sila inatake ng MILF, na kasama pa umano ang BIFF. Nag-utos na si President Aquino na kasuhan ang mga berdugong MILF at BIFF. Pero kung madaling magsampa ng kaso, mahirap dalhin sa hustisya ang mga kakasuhang ito. Ang katayuan ng MILF ay ipinagtanggol lamang nila ang sarili nila. Ito ay para sabihin na tama ang kanilang ginawa. Kaya bakit nila isusuko ang mga nakibahagi sa bakbakan?
Isa pang paraan ay kasalukuyang tinatrabaho na. Nasa Kuala Lumpur ang mga kinatawan ng gobyerno at MILF, para pag-usapan na ang pagsuko ng mga armas ng MILF. Matagal nang sinasabi ng marami na masalimuot ang isyung ito, dahil ang mga armas ang nagbigay ng kapangyarihan at pangil sa MILF ng ilang dekada. Pero ganun din, kung madaling mag-usap at magkaroon ng kasunduan, baka mahirap patuparin. Sumang-ayon naman kaya ang mga mandirigma ng MILF na isuko lang ang kanilang mga armas? Baka naman magsuko ng iba, magtago naman ng ilan. At lumalabas na may pagawaan ng armas na ang MILF. Isasara na ba ito at sisirain ang mga kagamitan para hindi na makagawa ng armas? Ang balita ay kumikita pa nga ang pagawaan dahil nagbebenta na sila sa mga ibang grupo.
Kung babalik ang tiwala ng tao sa MILF, ito ang mga puwedeng nilang gawin para ipakita na sila’y seryoso sa pagkakaroon na ng tunay na kapayapaan sa Mindanao. Pero masabi ko lang, habang nandyan pa ang BIFF at ang Abu Sayyaf, paano malalaman kung mga MILF pa rin ang mga iyan? Ipinakita sa Mamasapano na magkabalikat pa rin sila kapag gobyerno na ang kalaban. Dapat buwagin ng MILF mismo ang BIFF at ASG, kung talagang seryoso sa mga nilagdaang kasunduan.