PEBRERO na. Kasabihan na ito ang buwan ng puso at pag-ibig, Valentine’s. Ito rin ang buwan ng liwanag ni Hesus -- ang candelaria. Ipagdiriwang natin ang kapistahan ng mga Kandila. Sa ating pagdiriwang ay ating hinihingi ang liwanag ng Panginoon upang tayo ay gabayan sa paglalakbay.
Bigyan natin ng lalim na pagninilay ang kahalagahan ng mga lalaki at babae sa paglilingkod sa simbahang itinatag ni Hesus. Sinabi ni Pablo: “Ang pinagsusumakitan ng lala-king walang asawa ay ang mga gawaing kalugod-lugod sa Panginoon at ang mga babaing walang asawa ay ang mga bagay na ukol sa Panginoon sapagka’t ibig niyang maitalaga nang lubusan ang sarili sa paglilingkod sa Panginoon.”
Sila ang mga pari at madre na nagpakasakit upang mapaglingkuran ang simbahan itinatag ni Hesus sa ibabaw ng Bato --- si Pedro. Ang celibate life ang panuntunan ng mga handang maglingkod sa simbahan. Sa pagpasok ng isang lalaki o babae sa paaralan upang isabuhay ang kanyang bokasyon upang maglingkod ay alam na sa pagpasok nila sa mga paaralan o seminario ay taos-puso silang mabubuhay ayon sa sinabi ni Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Corinto.
Kaya hindi ko mapagwari na mayroon mga pari at madre na ipinagwalambahala ang kanilang sinumpaan matapos ang maraming taon ng pag-aaral at paghahanda. Bigla silang mag-aasawa at ipaglalaban pa na dapat baguhin ang batas ng Simbahang Katolika Romana na dapat daw payagan nang mag-asawa ang mga pari at madre? Alam naman nila na bago pumasok sa paaralang pang-pari at madre, naroon na ang kabuuan ng buhay na kanilang tatamasahin at paglilingkuran. Alam nila na sa pagpasok sa seminaryo ay handang pasanin ang celibate life. Ito ang batas ng simbahan.
Dt 18:15-20; Salmo 94; 1Cor7:32-35 at Mark 1:21-28
* * *
Happy anniversary sa Golden H.