NABALOT ng kalungkutan ang Camp Bagong Diwa sa Taguig City kahapon nang isa-isang dumating ang mga kabaong ng 42 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na napatay sa Mamasapano, Maguindanao. Full military honor ang ipinagkaloob sa 42 bayani. Inilagak ang mga ito sa multipurpose hall. Idineklara kahapon ni Pres. Noynoy Aquino ang National Day of Mourning. Hindi napigilan ng mga kaanak ang umiyak habang pasan ng mga SAF ang kabaong. Maging ang mga pulis ay napaiyak. Lalong lumakas ang hagulgol ng mga kamag-anakan nang masilayan ang kalunus-lunos na anyo ng mga bangkay, ang ilan ay uniporme na lamang ang nasa kabaong upang makilala lamang ng kanilang mga kaanak.
Kumalat naman ang text sa mga pulis at media na nagsasagawa ng “Walk for Sympathy and Justice” ang PNP, BJMP, BFP at PNPA Batch 11, 10, 9 bilang protesta sa sinapit ng 44 bayani. Kahapon dakong 5 a.m. nagtipon-tipon ang mga pulis, bumbero, jailer at maging ang Interpol Police sa Bayani Road sa Main Entrance ng Libingan ng mga Bayani dala ang mga placard na may nakasulat na Justice for 44 PNP-SAF. Kusang loob itong pagkilos upang maiparating kay P-Noy nang mabigyan ng hustisya ang sinapit ng mga bayani. Ang masakit, may tinutukoy silang personalidad na dapat na mapanagot sa sinapit ng kanilang kasamahan. Una rito, ang papel na inatang ni P-Noy kay suspendidong PNP chief Alan Purisima at Sec. Danny Ochoa na inilihim umano kay DILG Sec. Mar Roxas at Acting PNP chief Leonardo Espina.
Idinagdag pa nila ang kawalan ng reinforcement ng military nang magipit na ang tropa ng SAF sa pakikipagbakbakan sa magkasanib na puwersa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano, Maguindanao. At lalo pa silang nanlumo dahil sa kabila ng sinapit ng kanilang kasamahan, bitin ang statement ni P-Noy nang magsalita ito sa TV. Katulad na lamang ng kung papano papanagutin ang BIFF at MILF sa sinapit ng 44 SAF. Paano mapanagot ang BIFF at MILF sa mga ninakaw na mga baril at gadgets at maging ang mga personal na kagamitan ng mga napaslang na SAF. Kaya ang kanilang kalungkutan ay dinaan na lamang sa mapayapang Walk for Symphaty and Justice. At habang kinikimkim ang galit at kalungkutan nitong aking mga kausap, nagbanta sila na idadaan sa mass leave kung hindi mabibigyan ng hustisya ang sinapit ng 44 na bayani. Abangan!