KATAKUTAKOT na batikos na naman ang inabot ni Presidente Noynoy kahapon dahil late na raw dumating sa necrological service sa Camp Bagong Diwa para sa mga nakaburol na PNP-SAF operatives na pinaslang umano ng mga elemento ng MILF.
Pakutyang sinabi ng barbero kong si Mang Gustin “Better P-Noy late that the late P-Noy.”
Kamakalawa ay inulan din ng tuligsa si P-Noy dahil hindi sinipot ang arrival honors para sa mga tinawag pa niyang “fallen heroes” sa Villamor Air Base at sa halip ay mas ginusto pa niyang daluhan ang inagurasyon ng bagong planta ng kotse ng Mitsubishi sa Laguna.
Ngitngit sa inis ang mga netizens at sari-saring nakakainsultong tawag ang ipinukol kay P-Noy na anila’y hindi marunong dumamay sa mga “boss” niya. Hindi masisisi ang taumbayan dahil si PNoy ang pinaka-tatay ng bayan at hindi man obligadong dumalo sa arrival honors ay mayroon siyang moral call para gawin ito. Bakit pa niya tatawaging bayani ang mga taong ito kung hindi man lang mabibigyan ng kaunting pansin?
Kaya ang pakutyang sabi ng iba - palibhasa ay hindi nagpunta si PNoy sa burol ng mga hindi niya kakilala. Iyan ang sinabi niya noon nang tanungin kung bakit hindi man lang sumilip sa burol ng isang transgender na pinatay ng isang US servicemen.
Dagok hindi lamang sa kanyang administrasyon ang nangyaring masaker sa Maguindanao kundi maging sa kanyang pagkatao. People are beginning to label what Noynoy did as “the height of insensitivity.”
Pati mga pulis na nasa serbisyo pa ay galit sa nangyari dahil mukhang imbes na kampihan ang mga operatiba ng pulisya ay tila MILF pa ang ipinagtatanggol para lamang maisalba ang pet project niyang Bangsamoro Basic Laws.
Parang manhid at walang paki sa dinaramdam ng bayan ang ating Pangulo at ano mang pakikiramay o parangal na mula sa kanyang bibig ay tila hindi taos sa puso kundi pabalat-bunga lang.
Hindi ba puwedeng ipinagpaliban na lang yung inagurasyon ng Mitsubishi para bigyan ng prayoridad ang mga napaslang na pulis na nagbuwis ng buhay para sa bayan?
Buong bansa ang nagdadalamhati sa nangyaring ito at hindi ubrang puro bokadura lang si P-Noy. Dapat magpakita siya ng sinseridad sa bayang Pilipinas.