SA ikatlong magkakasunod na taon, hihirangin muli ang ating pahayagang Pilipino Star NGAYON bilang Best Newspaper ng taong 2015 sa wikang Filipino ng prestihiyosong Gawad TANGLAW, isang award giving body sa media na binubuo ng iba’t ibang pamantasan at kolehiyo.
Gaganapin ang awarding ceremony sa Pebrero 19, 2015 sa Ernesto Palanca Crisostomo Hall, University of Perpetual Help System DALTA, Las Piñas City. Malugod kong tinanggap ang imbitasyon ng ika-13 Gawad TANGLAW mula sa Chairman at President Emritus ng Gawad TANGLAW at presidente rin ng UPHS-D Faculty Association.
Tunay na nakatataba ng puso na tumanggap ng ganyang kalaking parangal. Mantakin ninyong sa dinami-dami ng mga mapagpipilian ay hihiranging “the best” ang PSN! Bukod sa Gawad Tanglaw na kilala sa angkin nitong prestihiyo at krusada para itaguyod ang malayang pamamahayag, salamat po sa mga masugid na readers, particular ang mga estudyante na alam kong kinukunan ng opinion tungkol sa mga media entity gaya ng radyo, telebisyon at pahayagan.
Sa nakalipas na dalawang taon (2013 at 2014) ang naging punong abala ay ang Colegio de San Juan de Letran at para naman sa taong ito, ay ang University of Perpetual Help System DALTA, Las Piñas.
Ayon sa mga kritikong akademisyan, “your paper continues to be a game changer in the field of print media” na ang ibig sabihin ay nagpapakilala ng mga bagong tend sa pamamahayag. Wow, salamat sa marangal na recognition na ito.
Isa lang naman ang panuntunan natin sa paglalathala ng ating pahayagang PS NGAYON:
Makapaghatid ng makatotohanang impormasyon at kaaliwan sa madlang mambabasa dahil kinikilala natin ang karapatan ng bawat Pilipino na mabatid ang mga nangyayari sa ating lipunan.