DOTC umamin: Taas-pasahe sa LRT/MRT walang batayan

INISNAB ni Transport Sec. Joseph Emilio Abaya ang House of Reps hearing nu’ng Huwebes tungkol sa big­laang taas-pasahe sa commuter trains ng Metro Manila. Kesyo raw naghahanda siya sa pagdating ni Pope Francis sa Pilipinas. Pero bago nu’n, maya’t maya niya dinedepensa sa radyo, TV, at diyaryo ang kontrobersiyal na 50-90% dagdag-pasahe.

Ganunpaman, tatlong malalaking pag-amin ang nakuha mula kay U-Sec. Jose Perpetuo Lotilla. Sa pag-uusisa ni Bayan Muna sectoral Rep. Neri Colmenares, inako ni Lotilla na:

(1) Walang awtoridad ang Dept. of Transport & Communications magtaas-pasahe. Sa ipinasa ng Kongreso na charter ng Light Rail Transit Authority, board of directors lang nito ang maari magtakda ng pasahe sa LRT-1 at LRT-2. Sa Metro Rail Transit-3, walang batas na nagbibigay poder kanino man. Kaya ang taas-pasahe dito ay kung pagkasunduan ng DOTC at ng pribadong builder-owner na MRT Corp. E hindi naman humihingi ng dagdag ang MRTC, kaya wala dapat nito.

(2) Tumutubo ang LRT/MRT sa tiket ng pasaheros. Sapat ito para sa operations at maintenance. Bukod du’n, humingi ang DOTC at binigyan ito ng Kongreso ng P977.6 milyon sa 2014 supplemental budget at muli sa 2015 national budget para operations-maintenance ng LRT-1 at -2. Para sa MRT-3, tumanggap ang DOTC ng P957 milyon sa 2014 supplemental at P2.57 bilyon sa 2015 budget pang-rehabilitation.

(3) Hindi ito ang huling pagtaas-pasahe. Kasi, sa kontrata ng DOTC para sa LRT-1 extension hanggang Cavite, dapat may 10% taas tuwing dalawang taon. Samakatuwid, itinali ng DOTC ang mananakay sa patuloy na taas-pasahe sa darating na 32 taon. Salin-henerasyon na, pagbabayaran pa ang makasalanang kontratang pinirmahan ni Abaya. Paalala sa 2016: si Abaya ay president ng ruling Liberal Party.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments