MASYADO nang nakakaladkad ang Department of Agriculture (DA) sa mga kontrobersiya. Wala ring ipinagkaiba ang DA sa Philippine National Police (PNP) na nasadlak sa kumunoy ng katiwalian. Kung tutuusin, noon pa may pumutok na isyu ng katiwalian sa DA pero nananatiling nasa puwesto pa rin ang secretary ng Agriculture. Mas mabuti sana kung may mangyaring kakaiba sa DA na gaya nang nangyari sa PNP na sinuspende ng Ombudsman ng anim na buwan ang hepe. Mangyari rin sana ito sa DA secretary. Sana.
Marami nang humihimok kay Agriculture secretary Proceso Alcala na mag-leave of absence habang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagkakasangkot niya sa “bawang cartel”. May ilang mambabatas na nagsabing dapat mag-leave na si Alcala sapagkat hindi biro ang isyu sa smuggling ng bawang. Mabigat na akusasyon ito kaya dapat umalis muna si Alcala sa tanggapan. Ito ay para na rin mabigyan nang malayang pag-iimbestiga ang NBI.
Sinabi ng whistleblower na si Elizabeth Valenzuela na kailangan daw na may basbas ni Alcala ang mga garlic importer para maisyuham ng import permits. Si Valenzuela na importer ng bawang ay idinawit din si dating Bureau of Plant Industry (BPI) director Claritto Barron. Inakusahan ni Valenzuela si Lilia Matabang Cruz na pinaka-favored na importer.
Noong nakaraang taon, sumipa nang pagkataas-taas ang presyo ng bawang at nagkaroon nang kaguluhan sapagkat wala pang mabili. Natuklasan na minamanipula ng cartel ang bawang. Dahil sa public outcry sa mataas na presyo ng bawang, sinibak si Barron sa puwesto.
Pero hindi natinag si Alcala sa puwesto. Hanggang ngayon ay nag-eenjoy siya sa puwesto at walang balak gayahin ang ibang Cabinet secretary na nag-leave of absence – gaya ni Health Secretary Enrique Ona na inakusahan dahil sa mga gamot para dengue na binibili ng DOH.
Dapat pakinggan ni Alcala ang sigaw nang marami na magbakasyon muna habang iniimbestigahan ng NBI. Hindi naman siya magiging kawalan sapagkat itinalaga na si dating senador Kiko Pangilinan sa tanggapan. Hindi mawawalan ng tao ang DA.
Habang nasa DA si Alcala, hindi titigil ang kontro-bersiya at si P-Noy man ay masasaktan din dahil dito.