EDITORYAL – Maibangon kaya ni Espina ang PNP?

NAKALUBOG sa kumunoy ng kontrobersiya ang Philippine National Police (PNP). Kahit sino ang tanungin, wala na silang tiwala sa PNP. Kapag daw nakakita sila ng asul na uniporme ng pulis, iba ang kanilang naiisip. Kaysa mahalin, poot ang kanilang nadarama. At aywan daw kung maaalis pa ang masama nilang pagtingin sa mga pulis.

At ngayong may bagong namumuno sa PNP sa katauhan ni Dir. Gen. Leonardo Espina, ang katanungan ay kaya ba niyang ibangon ang nakasad­lak na imahe ng organisasyon? Kaya ba niyang pakinangin ang tsapa ng mga pulis o hindi na at ngangatngatin na ng kalawang?

Si Espina ang itinalagang kapalit ng sinuspindeng PNP chief Alan Purisima. Anim na buwan ang pinataw na suspension kay Purisima kaugnay sa maanomalyang delivery ng mga lisensiya ng baril. Naging kontrobersiyal si Purisima dahil sa mga kuwestiyonableng ari-arian at mansion sa probinsiya.

Ang pagkakasangkot kay Purisima ang lubusang nagpabagsak sa imahe ng PNP. Maraming pulis ang nasangkot sa hulidap, pangongotong at kung anu-ano pang mga kabulastugan. Nawala na ang motto: To Serve and Protect

Ilan pa sa mga kontrobersyal na pangyayari na nagpababa pa sa imahe ng PNP ay ang pang­huhulidap o pangingidnap ng mga pulis sa dalawang lalaking sakay ng SUV sa Mandaluyong, EDSA. Mga pulis mula sa La Loma Station 1 ang nagsagawa ng pangingidnap. Nakunan ng retrato ang pangyayari.

Ilang linggo lang ang nakaraan, isang grupo naman ng mga pulis sa Manila Police District ang inireklamo dahil sa pangangarnap.

Kasunod niyon ay ang mga reklamo sa pag-torture at iba pang di-makataong pagpapaamin sa mga nahuhuling suspect. Karamihan sa mga pulis ay sangkot din sa pag-salvage. Noong nakaraang linggo, ginunita ang ikalawang anibersaryo ng Atimonan massacre kung saan sangkot ang mga pulis sa pagpatay sa 13 katao. Hanggang ngayon, sumisigaw ng hustisya ang mga kaanak ng biktima.

Kayanin kaya ni Espina na maibangon ang nakalubog sa lusak na PNP?

Show comments