Anong gagawin mo ngayong Bagong Taon?
Ang tanong ng mutya sa binatang nayon;
Ang sagot ng kanyang kasintahan noon
mamahalin kita sa habang panahon!
Habang lumalakad ang maraming araw
dalawang magkasi ay nagkatampuhan;
Binata’y lumayo nang kanyang malaman
dalaga’y sumama sa isang mayaman!
Buhat nang maglaho kanyang minamahal
ang dukhang binata’y nagsikap sa buhay;
Sa tiyaga at sipag na kanyang puhunan
ang kanyang pamilya ay naging mayaman!
Samantalang itong dalagang nagbago
naghirap ang buhay sa bagong kasuyo,
Kayamanan nila’y naubos sa bisyo
sila’y walang anak – baog na pareho!
Sa kabila nito binatang masipag
ay may napusuang mas magandang dilag
Siya’y alanganing sa mutya’y lumingap
kaya nanligaw s’ya na pasulyap-sulyap!
Itong binibini’y talagang maganda
sa mga okasyo’y pambato talaga;
Siya’y propesyonal at isang maestra
at kung walang klase ay isang tindera!
Dalaga’t binata minsan ay nagtagpo
panindang mabigat na dala ng guro
Hiniling ni Mario na buhatin ito -
kaya ang dalaga ay humanga rito!
Dahil ang dalaga’y hindi matapobre
binata’y madalas nasa kanyang tabi;
Akala ni Neneng ang binata’y pobre
nang ito’y magtapat kasalang malaki!
At sila’y nagsamang, masayang masaya
kinupkop ni Mario angkan ng asawa;
Sila’y nagmahalang kapwa maligaya
at may tatlong anak pawang masisigla!