HABANG maingay na pinag-uusapan ang mga negatibong balita tungkol sa korapsyon, sa mga kalokohan sa Bilibid na kahapon ay may sumabog pang granada – pinakabagong pruweba na wala na talaga sa kamay ng mga namamahala ang control sa institusyon, sa mga road rage na ikinamamatay ng mga MMDA constables, atbp., tahimik na pinasinayaan ang operations ng Manila Dialysis center sa Gat Andres Bonifacio Medical Center.
Hindi biro ang gastos ng pagpapagamot lalo na para sa mga may malalang sakit sa bato na nangangailangan ng dialysis. Libu-libo ang bayad kada treatment. At kung inaakala mong ok ka na basta can afford ka, maging ang mga mayayaman ng Makati ay kailangang pumila sa mga dialysis machines ng mga premyadong ospital para magamot. Karaniwan na lang ang balita ng mga pobre nating kababayan na nauwi na lang sa pagkakawawa dahil lang wala silang pambayad sa dialysis o kung meron man ay hindi naman nagpang-abot dahil sa haba ng pila.
Sa ibang mayayamang bansa ay ordinary nang maka-kita ng walk-in dialysis clinics – para ring chemotherapy clinics para sa may sakit na Cancer – na basta na lang uupo ka sa bakanteng puwesto, dala ang sariling gamot, tapos umpisa na. May mga institusyong pampubliko na pinauubaya sa madla ang pakinabang ng dialysis machines subalit kadalasa’y national agencies ang mga ito tulad ng National Kidney Institute. Naging kontrobersyal pa nga ito kamakailan nang may nagreklamo na marumi ang mga facilities kung kaya nagkakaimpeksyon ang mga kawawang umasa ng lunas.
Sa unang pagkakataon, ang isang lokal na pamahalaan ang nag-alay ng serbisyong ganito sa publiko. Sa pakikipagtulungan ng PCSO, magagawang ialok ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang libreng dialysis treatments sa kanilang sariling Manila Dialysis Center para makatulong sa mga Manilenyong nangangailangan. Napakalaking tulong ng ganitong mga hakbang. Hindi lamang pang-araw araw na buhay ng mamamayan ang gumiginhawa – mismong buhay natin ang naisasalba. Hulog ng Langit – salamat sa makataong lingkod bayan ni President Mayor Joseph E. Estrada, Vice Mayor Isko Moreno at ng buong Sangguniang Panglungsod.