MAY krisis man sa bigas o wala, pareho rin ang maipapayo ko sa mga diabetic o sa mga matataba: Bawasan ang kanin.
Bakit? Dahil ang kanin ay nakatataba at nakatataas ng antas ng ating blood sugar. May nadiskubre ngayon ang mga siyentipiko na good carbohydrates at bad carbohydrates.
Ang good carbohydrates ay hindi masyadong nagpapataas ng asukal sa ating dugo. Ito ay ang mga gulay, prutas, spaghetti at wheat bread. Ang mga bad carbohydrates naman ay ang white rice, patatas at white bread.
Kapag ang diabetic ay kumain ng 2 platong kanin, biglang tataas ang asukal sa dugo nila. Mahihirapan ang katawan at masisira ang iyong organs.
Para sa diabetic na nagmo-monitor ng blood sugar, matutuklasan n’yo na biglang tataas ang iyong blood sugar 15 minutos pagkatapos kumain ng rice. Mabilis kasing madurog at ma-absorb ang kanin sa ating katawan. Hindi tulad ng gulay kung saan dahan-dahan ang pagpasok ng sustansya sa ating katawan.
Para sa may katabaan naman, maigi rin na bawasan o iwaksi na ang kanin. Ang mahilig sa rice ay lumalaki ang bilbil. Ngunit kung tinapay ang hilig, mas payat sila.
Sa umaga, imbes na magkanin at tapsilog ay magpandesal na lang with tuna. Mas-healthy po ito. Kahit tatlong pandesal ay puwede naman. Huwag lang ubusin ang isang supot.
Alam kong may mag-rereklamo. “Eh paano naman iyan, hindi ako mabubusog kung walang kanin? Hilig ko kasi ang rice.”
Eh kaya nga tayo tumataba, di ba? Sino bang nagsabi na puwede mong ubusin ang isang bandehadong kanin. Nakita niyo na ba ang 1 cup rice sa McDonald’s. Yung ganoong kakaunti lang ay sapat na. Damihan mo na lang ang gulay mo tulad ng repolyo, ampalaya at kangkong.
Isa pa. Alam n’yo ba ang sikreto ng mga Hapon na umabot sa edad 100. Ang sikreto nila – Huwag daw magpapakabusog. Basta may laman lang ang tiyan ay puwede na.
Kaya tigil na sa pagkain. Magbawas sa kanin para pumayat at ma-kontrol ang diabetes. Good luck po.