OKAY sana ang panawagan ni Agriculture Sec. Proceso
Alcala sa madla na local na prutas ang bilhin imbes na imported fruits para isilbi sa hapag-kainan ngayong Pasko at Bagong Taon.
Ang kaso, kung pupunta tayo sa mga fruit stands ay puro imported na prutas ang ibinebenta tulad ng pongkan, ubas, mansanas na karamihan ay inangkat sa China. Mabibili pa ito sa murang halaga kumpara sa mga local na prutas tulad ng mangga, rambutan, pinya, pakwan at iba pa.
Masaklap na katotohanan iyan. Ang mga sarili nating prutas ay natatalo sa merkado ng mga imported fruits. Ani Alcala sa isang panayam sa Malacanang, maraming local na prutas na bilog na puwedeng ihain base sa kultura nating mga Pilipino.
Paniniwala kasi ng maraming Pinoy na dapat maglagay ng bilog-bilog na prutas sa hapag upang suwertihin sila sa susunod na taon.
Ani Sec. Alcala, malaking tulong ang pagtangkilik sa sarili nating mga prutas sa ating mga local na magsasaka. Tiniyak din ni Alcala na sapat ang supply ng manok at baboy sa merkado kaya walang dapat ipag-alala ang taumbayan ngayong Pasko at Bagong Taon.
Pabor ako. Dapat talagang tangkilikin ang mga produktong sariling atin pero sa nangyayaring maluwag na pagpasok sa bansa ng mga dayuhang kalakal, talagang pati sa presyo ay talung-talo ang ating mga produkto. Para sa mga ordinaryong Pinoy na noong araw ay bihirang makatikim ng mansanas at ubas, ito’y malaking blessing dahil affordable na sa kanila ang mga prutas na ito.
Iyan marahil ang isang problemang dapat silipin at aksyonan ng pamahalaan, lalu na ng Department of Trade and Industry.
Baka dumating ang araw na tamarin na ang sarili nating mga manufacturers at magsasaka at bumaling na lang sa pag-aangkat ng mga kalakal.
Isa lang ang paraan para matulungan sila. Limitahan ang pag-aangkat at pasiglahin ang sarili nating produksyon. Pero ang problema ay nakalagda tayo sa isang pandaigdig na kasunduan sa import liberalization at wala tayong choice kundi tumalima rito.