HAPPY Birthday sa aking pinakamamahal na ina, si Marichu “Manay Ichu” Vera-Perez Maceda. Kahapon ipinagdiwang ang kanyang kaarawan. At gaya ng kaganapan din nitong mga nakalipas na taon, imbes na pamilya ang kapiling ay abala ito sa pagtulong sa Metro Manila Film Festival (MMFF). Ang industriya ng pelikulang Pilipino ang siyang naging buhay na ng aking ina. Hanggang kaya pa niya’y hindi siya titigil sa kanyang hangaring mapabuti ang takbo ng industriya para sa mga kawani nito at para sa lipunang sineserbisyuhan.
Congratulations sa mga nagsilahok na pelikula lalo na ang pelikulang Bonifacio: Unang Pangulo. Bawat pelikulang nagsasadula sa buhay ng ating mga bayani ay dapat itaguyod bilang pagkakataong mabigyang edukasyon ang kabataan tungkol sa pinagdaanan ng lahing Pilipino. Hindi laging “commercial” o mabenta ang ganitong mga sine dahil sa mga istoryang hindi makabago. Kung kaya karapatdapat itong suportahan nang ma-engganyo ang mga producer na gumawa ng ganitong uri ng pelikula. Maganda ang pagkagawa ng Bonifacio na gamit pa ang mga teknolohiyang ginamit din sa mga American blockbuster movies tulad ng The Avengers.
Inaantabayan din ang pang labinlimang edisyon ng “Shake Rattle & Roll” ng Regal Films. Kakaibang ingay ang naririnig at nababasa sa social media sa latest version ng institusyon nang serye ng pelikula ni Mother Lily. Magara din ang pagkagawa – halatang hindi tinipid sa salapi at perwisyo. Hindi maiisip ng manunood na naisahan sila sa ganda ng sineng ito.
Halos lahat ng kalahok sa MMFF ay magandang halimbawa ng kalidad ng Pelikulang Pilipino. Sana lahat tayo’y magkaroon ng pagkakataong itaguyod ang mga sineng ito. Ang tagumpay ng industriya ay tagumpay din ng lipunang sinasalamin nito.
Merry Christmas sa lahat ng sumusubaybay sa aking column. Ang inyong mahalagang suporta ang pinakamagandang regalo sa lahat!