SA pagsimula ng Simbang Gabi nu’ng nakaraang Martes nilunsad din ang kampanya ng Catholic Archdiocese of Manila laban sa katiwalian. Nagsuot ang mga kasapi sa kilusan ng kamiseta na may slogan, “Huwag Ka Magnanakaw.” Patungkol ito sa mga ganid na pulitiko at burokrata, Pero ayon sa mga pasimuno, hagip na rin ang mga kapitalistang labis magpatubo, kontratistang nanunuhol, at pati bata na nandadaya sa eksam o kumukupit ng pera sa magulang.
Umangal ang ilang prominenteng tiwaling pulitiko. Kesyo raw ginagamit ng kanilang mga katunggali ang simbahan para isulong ang pansariling agenda. Tama sila. Kapwa nila bugok ang mga kalaban na sumasakay lang sa isyu para maisingit ang sarili sa puwesto o sa susunod na halalan. Nararapat lang na pare-pareho silang talikuran ng madla, na lalo humihirap ang buhay dahil sa katiwalian.
Hindi lang basta slogan ang “Huwag Ka Magnanakaw. Ika-pitong utos ito ng Diyos. Lahat ay dapat tumupad. Kasama sa pagtupad ang pag-iwas sa kickbacks o suhol o pabor sa gobyerno, kundi pagpapakasasa sa negosyo, at panlalamang sa kapwa. At kasama rin ang pagsuplong sa mga tiwali sa gobyerno at negosyo, at sa mga kriminal sa paligid -- na sumisira sa katiwasayan at katahimikan.
Nitong mga nakaraang buwan, ibinulgar ang umano’y pandarambong ang tatlong senadores, pork barrel fixers, at mga kasapakat nila. Tungkulin ngayon ng Ombudsman na pagbutihin ang pagsasakdal, at ng mga mahistrado na huwag magpatakot sa banta o magpasilaw sa ginto. Tungkulin ng mga imbestigador na mangalap ng matitibay na ebidensiya laban sa iba pang mandarambong, at sa mga nakakaalam na magsuplong. Dapat lang tapusin itong laban sa katiwalian, para tunay na makabulohan ang mga darating pang Pasko.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).