EWAN ko lang kung may natitira pang delikadesa ang taga-Bureau of Corrections (BuCor). Kasi nga sa kabila ng nakapaninindig-balahibong pagkatuklas sa mga Very Important Persons na kinalinga nila sa maximum security compound ay nagagawa pa nilang ngumiti sa madlang people. Todo tanggi pa rin ang mga mokong na may kinalaman sila sa pagpapasok ng electronic gadgets, baril at shabu sa piitan, hehehe! Ang bonggang pa-concert ni Herbert Colangco ay hindi na maitatanggi dahil kumalat na ito sa buong mundo. Dito makikita ang patunay na may kutsabahan sa mga opis-yales ng BuCor at kay Colangco nang isagawa ang recording ng album sa Batang City Jail covered court. Kasi nga kung naging mahigpit sila sa kanilang trabaho hindi ito makapapasok dahil malalaking kahon ng mga instrumento na ang dala ng producers at organizer na sa aking pagtantiya ay mahigit sa isang truck ang ipinasok sa loob ng compound. Natural na may ibang palaman ang mga kahon na nailusot sa loob ng BCJ na sa tantiya ng aking mga kausap ay kabilang ang shabu at mga armas. May katwiran ang aking mga kausap sa maximum compound kahapon nang mapabilang ako sa reinspection ni Justice Secretary Leila de Lima.
Ayon sa kanila na ayaw ipabanggit ang pangalan, “Marami pa po riyan ang namamahay sa marangyang pagtrato ng mga taga-BuCor sa loob ng maximum security compound na dapat na pagkatutukan ni De Lima.” Ayon pa sa kanila mukhang nagpapatining lamang ang mga galamay ng 20 VIP at oras na makatiyempo ang mga ito ay muli na naman sisiklab ang gulo sa loob ng compound. Ang mabuting gawin ni De Lima ay walisin ang mga miyembro ng BuCor mula sa director hanggang sa jailer dahil kung patuloy pa rin silang nasa bakuran ng NBP tiyak na magbabalikan ang kalakaran ng ilang natitira pang drug lord at war lord. May katwiran ang aking kausap dahil kung malamya at pahapyaw lamang ang gagawing aksyon ni De Lima sa buong tropa ng BuCor tiyak nga na lalo pang yayabong ang shabuhan sa loob at labas ng NBP. At para naman sa mga taga-BuCor ang payo ko, magkusa na kayong umalis sa puwesto kung may natitira pa kayong delikadesa nang hindi na madamay sa nakakahiyang sitwasyon ang inyong pamilya dahil kung patuloy kayo sa inyong pangunguyapit sa compound ng NBP tiyak nga na nakikinabang kayo sa mga padulas ng mga VIP. Calling Sec. De Lima Madam, palitan mo ang tropa ng BuCor at habang pinuproseso mo ang imbestigasyon sa kanila, ilagay mo muna silang lahat sa DOJ compound upang mapadali ang iyong pag-life style check. Get mo Madam. Abangan!