HUWAG magsalita nang tapos. ‘Yan ang mensahe ng nakakatuwang email. Marami itong ehemplo ng salitang mali pero hindi na mabawi:
• ‘‘Sa pagwakas ng Paris Exhibition (ng 1878), magwawakas din ang bombilya na de-kuryente, at wala nang mababalita nito,’’ Oxford Prof. Erasmus Wilson. (Madilim ang isip niya.)
• ‘‘Hindi kakayanin ng rocket makaalis sa atmosphere ng Earth,’’ New York Times, 1936. (Nito lang Nob. 2014 lumanding ang European satellite sa kometa na humaharurot nang 66,000 kilometers per hour.)
• “Ayaw namin ang tunog nila, at palaos na ang tugtog gitara,” Decca Recording Company, sa pagtangging iplaka ang Beatles, 1962.
• “Walang katibayan na mahahalaw ang nuclear energy, dahil ibig sabihin ay basta na lang dudurugin ang atom,” Albert Einstein, 1932.
• “Hindi ‘presidential’ ang dating ni Reagan,” United Artists, sa paglampas kay Ronald Reagan bilang leading man noong 1954 sa pelikulang, “The Best Man.”
• “Imposible ang matulin na tren; hindi makakahinga, mamamatay sa sakal ang pasaheros,” Dr. Dionysius Lardner, 1830.
• “Sa palagay ko merong lima sa mundo na bibili ng computer,” Thomas Watson, IBM chairman, 1943.
• “Mapapatunayang kalokohan ang x-rays,” Lord Kevin, hepe ng Royal Society, 1883.
• “Mananatili ang kabayo, at lilipas sa uso ang kotse,” payo ng Michigan Savings Bank kay Henry Ford, 1903.
• “Malalaos agad ang TV dahil magsasawa ang mga tao tumitig gabi-gabi sa kahon,” Darryl Zanuck, 20th Century Fox, 1946.
• “Masyadong kumplikado ang telepono para sa komunikasyon; wala itong halaga sa atin,” Western Union internal memo, 1876.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).