EDITORYAL - Batang palaboy

KAPUNA-PUNA ang pagdami ng mga batang pala-boy ngayon sa Metro Manila. Kung mapapagawi sa Recto at Rizal Avenue sa Maynila, naroon ang sangkaterbang batang palaboy. May mga nakahiga sa center island at silong ng LRT, may nagra-rugby at ang iba ay sumasampa sa mga dyipni para manghingi ng limos o pamasko. Ang matindi ilan sa mga batang palaboy ang gumagawa nang hindi mabuti sapagkat nanghahablot ng bag, nang-aagaw ng cell phone, namimitas ng hikaw at iba pang masamang gawain. Kapag hindi nasawata ang mga batang ito, sila ang mga bagong henerasyon ng holdaper.

Tila walang magawa ang pamahalaan kung paano lulutasin ang problema ng mga batang pa-laboy. Bakit sa halip na mabawasan ang bilang ay lalo pa silang dumadami?

May mga nagsasabi na ang mga batang pala­boy na nakikita ngayon sa Kamaynilaan ay mga tumakas sa pinagdalhan nilang shelter na nasa lungsod at pinatatakbo ng local government. Tumakas daw dahil hindi matagalan ang masamang kondisyon sa shelter. Para raw nasa “concentration camp” ang mga batang palaboy na dinala sa shelter. Kaya ang ginagawa ng mga bata ay tumatakas. Mas gugustuhin pa raw ng mga bata na lumaboy sa kalye kaysa sa shelter na para raw impiyerno.

May isinampang reklamo sa Manila Reception and Action Center (RAC), na nasa Villegas St., Ermita, Manila. Hindi raw makatao ang pagtrato ng mga nasa shelter sa mga batang dinadala roon. Lalong tumibay ang masamang pagtrato nang kumalat sa internet ang larawan ng isang bata na tinawag na si “Frederico” noong nakaraang Oktubre. Sa larawan, makikita ang buto’t balat na si “Frederico” habang nakahiga sa semento sa loob ng RAC at walang damit.

Ayon pa sa report, nirereklamo ng ilang bata sa RAC ang kalupitang ginagawa sa kanila ng mga staff doon. Ginugulpi raw sila. Mayroon din daw ang bullying doon. Mistulang bilangguan ang RAC na dumadanas ng kalupitan at matinding gutom.

Marami raw beses nang inireklamo kay Manila Mayor Joseph Estrada ang mga nangyayari sa RAC pero wala pa ring aksiyon. Ano ang ginagawa ng Department of Social Welfare and Development? Imbestigahan ang RAC sa lalong madaling panahon.

 

Show comments