NAALALA ko ang kaso ni Vhong Navarro. Nang magsampa na ng kaso si Vhong Navarro sa tropa nila Deniece Cornejo at Cedric Lee, binuweltahan naman siya ng mga kasong panggagahasa ng tatlong babae. Ang tingin ng kampo ni Navarro ay para gumulo lang ang kaso at mabahala rin si Navarro. Pero dahil mahihina ang mga ebidensiya, ang tatlong kaso laban kay Navarro ay ibinasura ng korte.
Ngayon naman, dalawang motorista ang biglang lumantad para magpahayag ng mga abusadong kaugalian ni Jorbe Adriatico, ang MMDA traffic enforcer na biktima ni Joseph Ingco, ang binansagang “Maserati Mauler”. Ayon sa kanila, bastos at abusado si Adriatico nang hulihin rin sila para sa paglabag sa batas trapiko. Pero naninindigan pa rin si MMDA Chairman Francis Tolentino sa kanyang tauhan, at sinabing ang mga motorista ang nagpasimuno ng mga hindi magandang pangyayari. Kinekwestyon rin kung bakit ngayon lang lumalabas ang mga reklamo nila kay Adriatico ngayong mainit ang isyu laban kay Joseph Ingco. Magkakilala kaya sila ni Cedric Lee at tila pareho ang estilo?
Kung may mga pang-aabuso ngang nagaganap sa panig ng mga traffic enforcer, ang dapat gawin ay magsampa kaagad ng reklamo. Walang maitutulong ito kung pinatatagal lang. Isa na ang espekulasyon na panggulo lamang ang mga lumalabas na reklamo. Walang may gusto ng abusadong tao, maging ordinaryong mamamayan o taong may otoridad.
Pero tila nagpapatung-patong na ang sakit ng ulo ni Joseph Ingco. Napag-alaman na may mga baril, high-powered pa nga ang isa, na paso na ang lisensiya. Malinaw na illegal possesion of firearms na iyan, hindi ba? Kung noong 2011 at 2012 pa expired ang mga lisensiya, bakit hindi nakita ng “Oplan Katok” ng PNP? Bakit hindi pinuntahan sa kanyang tahanan at paalalahanin na i-renew ang mga lisensiya? Dahil ba “malakas” si Ingco at may mga kilala sa PNP? May mga kaibigan ako na pinupuntahan kaagad ng PNP kapag paso na ang lisensiya, ito ilang taon na ngayon lang nadiskubre? Parang may mali yata diyan, hindi ba?