HABANG palapit ang Pasko ay lalong lumalala ang trapiko sa Metro Manila. Kasabay ng pagdagsa ng mga tao sa mall, itinaon ng gobyerno ang pagpagawa ng mga kalye. Ang lala na ng sitwasyon na maging ang pinakasantong tao’y nasusubukan na rin ang pasensiya. Siempre, kapag naubos ang pasensiya ng motorista, pedestrian at ng mga pulis at traffic enforcers ay hindi na masasabi kung saan ito hahantong.
Marami nang insidente kung saan ang galit ay nauuwi sa kumprontasyon. May insidente pa kung saan may napapatay gaya ng pagbaril ni Rolito Go kay Eldon Maguan dahil lang sa hindi pagbibigayan sa daan. Ang pamosong kaso ni Robert Carabuena ay nagugunita rin. Maalalang sinampal at binantaan ni Carabuena ang isang pobreng MMDA traffic enforcer. Malas niya at natiyempuhang may nakavideo sa kanilang enkuwentro.
MMDA traffic enforcer din ang sangkot sa pinakahuling insidente ng road rage ng motorista laban sa awtoridad. Kalat na sa internet at maging sa TV news stations ang video ng kung papaano tila nakaladkad si Jorbe Adriatico ng motoristang si John Russel Ingco na nagmamaneho ng isang Maserati. Ito ang naging mitsa ng galit ng publiko -- ang Maserati ay mamahaling sasakyan na nagkakahalagang halos P7 million at status symbol na mayayaman lang ang magmamaneho.
Sa video ay hindi masabi kung ang pagkaladkad ay dahil kinuwelyuhan ni Ingco ang enforcer o kung ang enforcer ang pilit pumipigil kay Ingco. Dagdag kalituhan ang lumalabas na negatibong balita tungkol sa mga nakalipas ni Ingco at maging kay Adriatico. Ganito talaga ang nangyayari kapag ang kaso ay sensational at nililitis sa publiko imbes na antayin ang resulta ng imbestigasyon ng awtoridad.
Marami pang detalye na mauungkat tungkol sa dalawa. Maari pa ngang lumabas na santo ang driver at salbahe ang enforcer. Gayunpaman, wala itong kinalaman sa pangyayari. Iisa lang ang mahalaga -- kailangang lumabas ang katotohanan. At tanging isang masusing imbestigasyon sa ilalim ng batas ang makagagawa nito.
Marahil ay nabuo na ang opinyon nang marami tungkol sa kung sino ang may pananagutan. Ito ay opinyong suportado lang ng haka-haka at kulang na batayan. Kung handa tayong magalit sa kapwa mamamayan, kay Ingco man o kay Adriatico, magalit tayo sa tamang dahilan.