EDITORYAL - Kalbaryong trapik

PINAGPAPALIWANAG ng Metro Manila Develop­ment Authority (MMDA) ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa tinatapos ang mga paghuhukay at pagre-repair sa mga pangunahing kalsada. At walang maibigay na konkretong sagot ang DWPH sa MMDA. Dahil sa mga paghuhukay at pagre-repair, kalbaryong trapik ang nararanasan ngayon sa maraming lansangan sa Metro Manila. At tiyak na lulubha pa sa mga darating na araw dahil papalapit na ang Pasko. Sabi ng MMDA dapat dalawang linggo bago mag-Christmas ay suspendido na ang mga paghuhukay at wala nang mga obstruction sa kalsada. Pero hindi natupad ang sinabi ng DPWH kaya nararanasan na ang grabeng trapik. Hindi maipatupad ang Christmas lanes sapagkat pawang hukay ang makikita sa kalsada. Bukod sa hukay, maraming nakaharang na kahoy o concrete barriers.

Noong nakaraang Sabado, grabeng trapik na naman ang naranasan sa Metro Manila sapagkat hindi na gumagalaw ang mga sasakyan. Usad pagong sa Quezon Avenue, Quiapo, Recto Ave­nue, Sta. Cruz area, Rizal Avenue, Taft Avenue, Legar­da at marami pang malalaking kalsada. Nag­ka­roon din nang pagbubuhol-buhol ng trapiko sa paligid ng Quezon Memorial Circle dahil sa mga ginawang affair doon. Marami ang hindi na nakaalis sa nasabing lugar dahil naipit na sa trapik.

Isang motorista ang nagreklamo na may mga lugar na hinuhukay o nire-repair na wala man lang babala o signage ang DPWH. Kagaya sa bahagi ng Intramuros na walang inilagay na babala na inaayos ang ilalim ng tulay ng MacArthur at Jones Bridge. Marami tuloy ang motoristang galing Quiapo na kumakanan para magdaan sa ilalim ng MacArthur Bridge pero sarado pala iyon. Ganundin naman ang mga nagdaraan sa likod ng Post Office Building, nabu­laga dahil sarado ang Jones Bridge. Dahil walang babala, maraming sasakyan ang nagbalikan na na-ging dahilan ng grabeng trapik.

Suspendihin na ng DPWH ang mga paghuhukay at pagre-repair para naman hindi magkaroon ng trapik. Alisin ang mga sagabal. Halos sa kalsada na lamang nauubos ang oras ng mga tao dahil sa trapik. Alisin naman ng MMDA ang mga sasak-yang illegal na naka-parking sa mga pangunahing kalsada para mabawasan ang trapik.

 

Show comments