‘Kinatay ng Cathay(?)’ (Unang Bahagi)

PINAABOT sa akin ng isang ‘business man’ ang sinapit niya sa isang mala-higanateng airline, ang Cathay Pacific Airways nung Ika-26 ng Set­yembre 2014 sa kanyang flight papuntang Hong Kong kasama ang iba pa niyang kaibigan.

Siya si Antonio L. Cabangon-Chua, isang matagumpay na negosyante at may-ari ng ilang mga malalaking kumpanya sa ilalim ng kanyang ALC Group of Companies na kung iisa-isahin ko ay hindi niya magugustuhan dahil sa kanyang mapagkumbabang ugali sampu ng kanyang pamilya.

Nagpa-‘book’ siya sa Cathay Pacific Online Booking ng dalawang “Business Class” round trip tickets para sa kanyang trip sa Hong Kong. Nakumpirma naman ito na may reference number: 3C3LDB.

Base sa mga detalye ng kanyang itineraryo, ang kanilang alis sa Maynila papuntang Hong Kong ay Septyembre 26 at ika-29 ng Setyembre ang balik.

Ang kabuuan ng kanyang ibinayad ay nagkakahalaga ng $1,958.58 para sa dalawang business class tickets---kasama na ang buwis at surcharges.

Kwento sa akin ni Mr. Cabangon-Chua, dating Ambassador para sa Laos,  nung magtsi-‘check-in’ na lang sila sinabing nagpalit ng eroplano at mas maliit ang gagamitin papuntang Hong Kong at ‘di lahat maaaring makaupo sa business class.

Mula business class na-‘downgrade’ ang tickets nila sa tinatawag na “Premium Economy” boarding passes.

Nang magtanong sila kung bakit ganun ang nangyari, ang tanging nasagot ng check-in clerk, ang ‘lahat ng mga upuan sa nasabing flight ay nasa klasipikado ng economy class’.

Pinaalam sa kanyang mare-‘refund’ pa niya ang labis na perang nabayad para sa biniling business tickets sa aktwal na presyo ng economy tickets na nagkakahalaga ng $538.56. Kung susumahin ang dipirensya’y nasa $1,202.02.

Para walang gulo, nagsawalang kibo na lang siya para ‘di masira ang lakad niya at naghintay na lang ng airline representative na kakausap sa kanya. 

Kwento pa niya, habang nakaupo na siya sa eroplano… dahil sana’y bumiyahe itong taong ito, pati na rin ang kanyang mga kasama napansin niya agad na may ‘kurtina’ sa bandang harap para di mo makita ang mga taong nandun at ang mga nakaupo na kasama niya sa ‘economy class’ ay nakahiwalay.

Hindi niya pinalampas ito at sinita niya. Sinabi sa kanyang ang mga nakaupo sa Business Class ay mga miyembro ng Marco Polo Club.

Ang hindi nila alam miyembro rin siya ng Marco Polo Club, maging halos lahat ng miyembro ng kanyang pamilya.

Bago pa lang umalis, napansin na niya ang hindi parehas na pagtrato sa ating mga kababayan sa Cathay Pacific Lounge. Ang Cathay Pacific ay may ‘special lounge’ para sa mga ‘foreigners’ pero ang mga Pinoy ay nakahiwalay na para bang mga ‘second class citizens’ sa sarili nating bayan.

Malinaw sa pagdidiskriminang ito na lumalabag sila sa nakasaad na Konstitusyon mula sa America hanggang Africa  at mismo sa ating Kons­titusyon na walang sino mang maaaring alipustahin dahil sa ‘color, creed, race, gender, religion o culture.

 Una na ring nagpadala ng sulat ang abogado ni Mr. Cabangon-Chua sa Country Manager ng Cathay Pacific Airways kay Mr. Alan Lui nung ika-2 ng Oktubre 2014. Dito nakapaloob ang reklamo laban sa Cathay Pacific.

Diniin nila na kung nagsabi agad ang Cathay Pacific na walang business class trip nung una pa lang, nakahanap na sila ng ibang flight o ‘airline’.

Hiniling din niya na sa loob ng limang araw ang kabuuang pagbalik ng kanyang pera o refund ng sobrang halagang binayad sa business class tickets na naging premium economy. Ito’y nagkakahalaga ng $1,402.02.

Nung ika-16 ng Oktubre 2014 sumagot ang abogado ng Cathay Pacific, ang Siguion Reyna, Montecillo & Ongsiako Law Offices.

Idinetalye nila ang presyo ng dalawang business class tickets na USD 1,958.56  for two (2) pax at bayad sa fare sa nasabing flight na USD 915, carrier surcharges- USD 48.8, taxes/fees/charges USD 15.48

Ang orihinal daw na eruplano na itinalaga sa CX 918 ay pinatingin para sa leak maintenance kaya pinalitan ng eroplanong mas maliit para sa business class seats at hindi sumapat ang mga upuan para sa mga naka-‘book’ sa business class. Kaya raw nalipat ang ilan sa economy class.

Binigyang prioridad ang mga miyembro ng Marco Polo Club (ang Marco Polo ay exclusive loyalty program ng CX) na nasa business class ng CX 918. Mas inuna sila kesa sa ordinaryo business class passengers.

Pinaliwanag daw nilang mabuti ang sitwasyon at hindi namam daw kumibo si Mr. Cabangon-Chua ukol dito. Inalok pa raw siya na lumipat sa business class noong hindi nakarating ang ilang Marco Polo members subalit tumanggi na siya.

Ito’y isa na namang kasinungalingan. Sino ba ang tatangging lumipat kung inalok nga nila ito, lalo na siya ay otsenta anyos (80 years old) na higit na mas maginhawa sa para sa kanya na mailagay dun?

‘This goes against the basic human behaviour of a person and is clearly a flimsy defense to protect the airlines’.

Bilang Standard Operating Procedure, inalok din siya ng CX ng halagang P3,000 for goodwill habang inaayos umano ang kabuuan ng ‘refund’ ng kanilang pera. Ang katotoohan, kung hindi lang niya ginawang basahin pinapipirma na siya ng ‘Quit Claim & Waiver’, maaaring hindi na sila asikasuhin ng mga ito.

Pareho raw siyang kumuha ng flight CX 918 kahit na premium economy at CX 915 na business class. Sa pagkuha niya sa dalawang flights na ito kinailangan nilang magbayad ng surcharges at taxes na nakasaad sa itaas. Ang pamasahe para sa Manila-Hong Kong (premium economy) at Hong Kong-Manila (business class) ay USD 915 isa, may diperensyang USD 188 para sa isang tao.

Handa silang ibalik ito na nagkakahalaga ng USD 376 para sa dalawang tickets. Para sa karagdagan, sa pagtangkilik niya sa CX inaalok pa ng Cathay ang one (1) certificate for one (1) class, one  (1)-sector complimentary upgrade para sa flight na pinamamahalaan ng CX batay sa ‘seat availability’ sa oras ng check-in at ito’y balido sa loob ng isang taon.

Dito mas lalong nainis si Mr. Cabangon-Chua. Hindi naman pera ang ipinaglalaban niya kundi ang uri ng pagtrato sa kapwa nating mga Pilipino nitong Cathay Pacific.

Nanindigan si Mr. Cabangon-Chua na ang ganitong uri ng gawain na ipinapatutupad ng Cathay Pacific ay dapat matuldukan agad.

ABANGAN sa LUNES ang karugtong ng nag-iinit na usaping ito... EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 / 7104038.

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments